“The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…”
ni Bert Fabregas
Police Officer 1 JOEL GONZALES
Kalookan Police Station
Pangunahing tungkulin ng isang pulis ang panatilihing ligtas ang mamamayan laban sa kriminalidad at mga masasamang elemento. Nakabatay ang ganitong oryentasyon sa doktrinang “To Serve and Protect” na isinasapuso ng bawat isang kasapi ng Philippine National Police. Sinusuhayan din ito ng tatlong pangunahing values na “ Service, Honor at Justice” na isinasabuhay ng isang tunay na Alagad ng Batas. Walang pag-aalinlangan na ang isang magiting na pulis ay laging nakahandang itaya ang kanyang buhay upang matiyak na mananatiling mapayapa ang pamayanang kanyang kinabibilangan.
Ito ang dakilang adhikain na isinulong ni P01 Gonzales, batid niya ang kahalagahan ng kapayapaan upang yumabong ang kalakalan at negosyo na magbubunsod nang konkretong pag-unlad. Kaya hindi siya nagdalawang-isip na itaya ang kanyang buhay upang malansag ang isang kilabot na grupo ng mga kriminal.
Taong 2005, buwan ng Oktubre, nakaengkuwentro ni Gonzales ang dalawang kasapi ng kilabot na Kwatog Gang na naging salot na sa mga residente ng isang subdivision sa Lunsod ng Kalookan. Bagaman at nag-iisa, walang takot niyang hinarap ang dalawang suspek at nakipagbarilan sa mga ito. Napatay ng pulis ang isa sa mga kriminal. Gayunman, nagtamo ng anim na tama ng bala sa katawan si P01 Gonzales at tumagal pa ng apat na araw sa ospital bago binawian ng buhay. Ayon sa mga saksi, buong tapang na nakipagsabayan ng putok ang pulis sa mga kriminal at kahit malubhang nasugatan nagawa pa rin niyang mabaril ang suspek na si Conrado Marcelo, Jr.
Sa edad na 31, masasabing wala pa dapat sa oras ang pagkamatay ni P01 Gonzales subalit para sa mamamayang pinaglingkuran at pinagbuwisan ng buhay ng pulis, puspos nang kahalagahan ang kanyang naging buhay dito sa mundo. Ang buhay ng isang tao ay hindi nakikita sa edad bagkus ay sa esensya at papel na kanyang iniambag para sa kapakanan ng kanyang kapwa tao.
Bilang pagkilala sa kanyang katapangan, pinagkalooban ni Caloocan City Mayor Enrico "Recom" Echiverri ng posthumous award si Police Officer 1 Joel Gonzales at binigyan ng P25,000 pinansiyal na tulong ang kanyang naiwang pamilya.
Sinabi ni Mayor Echiverri na nararapat lamang na kilalanin ng mga taga-Kalookan ang ipinakitang kagitingan ni Gonzales sa harap ng kanyang mga kaaway at bigyang halaga ang kanyang kamatayan dahil iilang tao lamang ang may kakayahang gumawa ng katulad nang ipinamalas niyang kagitingan. Ayon sa alkalde, kinakatawan ni Gonzales ang buong Kaloocan City Police sa kanilang pagsisilbi sa mga mamamayan kahit ano pa ang mangyari sa kanila.
IHANDOG ANG IISANG BUHAY...
Samantala, nagpupugay po ang kolum na ito sa mga kapatid nating pulis na napatay sa pagtupad sa kanilang tungkulin :
P01 KENNY ENRIQUEZ- 24 years old, nakatalaga sa Catarman Municipal Police Station sa Samar. Siya ay binaril ng dalawang salarin sa loob ng Star Burger House na nasa JP Rizal Street noong July 24, 2010.
SP01 ABDUL ABDULHALIM ng Panglima Tahil Municipal Police Station, Sulu. Papunta sa Provincial Police Office si Abdul nang siya ay pataksil na binaril ng isang lalaki,Nagtamo siya ng dalawang tama ng bala at namatay habang isinusugod sa ospital. Naganap ang pananambang sa pulis noong July 25, 2010.
SP02 SONNY PELOVELLO ng Igui Municipal Police Station, Cagayan. Napatay siya habang nagriresponde sa isang robbery case. Nagpapatrolya ang kanyang team sa Barangay Ajat nang isang Jessica Biare ang humingi sa kanila ng Police Assistance noong July 24, 2010. Sa kasamaang palad, napatay ng suspek si Pelovello habang tumutupad sa tawag ng tungkulin.

No comments:
Post a Comment