Bantayog ng Kagitingan
“The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause… one lifetime is more than enough…”
Ni Bert Fabregas
“Kagitingan at Katapangan sa Serbisyo”
Ang katapatan at kagitingan ay mga katangiang taglay ng isang tunay na Alagad ng Batas. Ang mag-alay ng buhay sa ngalan ng katarungan ang pinakamataas na antas ng sakripisyo na ating maihahandog para sa sambayanang ating pinaglilingkuran. Ito ang makitid at matinik na landas na tinahak nina PInsp FRILLES at PO1 UTTO ng PNP-Special Action Force (SAF).
1:15 ng madaling araw noon, Agosto 10, 2006, isang team ng SAF na kabilang sa Rapid Deployment Company (RDC) sa Pikit, North Cotabato ang nagsagawa ng operation upang arestuhin ang isang wanted na kriminal na nagtatago sa Barangay Balong. Matapos ang may pitong kilometrong paglalakbay ay huminto ang nabanggit na pangkat malapit sa tinitirhang bahay ng target personality na si Indonesian Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Abdulhir Bin Hir, alyas Marwan. Ayon sa rekord ng pulisya at militar, si Bin Hir ay kabilang sa tinukoy na 40 JI terrorists na nakapasok sa bansa sa pamamagitan nang pagdaan sa southern backdoor sa rehiyon ng Mindanao.
Napag-alamang si Alyas Marwan ay kasamahan ng dalawang JI terrorist na sina Dulmatin at Omar Patek na may patong sa ulo na $10 milyon at $1 milyon dahil sa pambobomba sa Bali, Indonesia na pumatay sa 200 katao noong Oktubre 12, 2002. Nang mga panahong iyon ay nagtatago sa bansa ang mga dayuhang terorista kasama ang mga Muslim militants. Matapos makumpirma ang bahay ng subject, naatasan si PInsp FRILLES na siyang mangasiwa sa security ng tropa.
Matapos ibigay ang signal nang pag-atake, mabilis na kumilos ang mga SAF troopers patungo sa target na tahanan. Gayunpaman, naalerto ang nasa loob ng bahay na hinihinalang asawa ng subject. Naging hysterical ang ginang na naging daan upang maalarma din ang kanilang mga kapitbahay. Sa puntong iyon, sunud-sunod na putok ng baril mula sa mga katabing bahay ang sumalubong sa tropa na napilitan na ring gumanti ng putok.
Heavy volume of gunfires ang pinakawalan ng mga katunggali ng SAF troopers. Matapos ang may 25 minutong palitan ng putok, napagtanto ng Team Leader na malabo na nilang madakip ang subject dahil sa suporta ng mga armadong kapitbahay nito na nagpakita ng matinding resistance at firepower. Wala ring available na matibay na cover para sa tropa kung kaya napilitan silang mag-disengaged sa labanan at i-adopt ang kanilang withdrawal plan upang maiwasan ang pagka- pinned down ng tropa na magbubunga ng mga casualties.
Habang patungo sa kanilang rallying point na may 150 metro ang layo mula sa encounter site ay may narinig pa ang mga SAF na palitan ng putok na tumagal nang halos limang minuto. Nang marating nila ang kanilang Objective Rallying Point at nagkaroon ng headcount, nalaman ng tropa na si INSP FRILLES at P01 UTTO ay nawawala. Mistulang tumigil ang paggalaw nang orasan sa mga kasapi ng Team. Naramdaman nila ang malamig na haplos ng hangin sa kanilang katawan at ang marahang pagkaway ng mga dahon ng puno sa kanilang paligid na mistulang kaway nang pamamaalam, halos nauulinigan pa nila ang tinig ng dalawang kasamahan na masayang naghahanda ng kanilang gamit bago ang kanilang Police Operation…mga tinig na hindi na nila muling maririnig kailanman. Ilang saglit pa, naging malinaw sa kanilang lahat ang kabayanihang ipinamalas ng dalawang troopers na nagsilbing holding force at nag-engaged sa nakararaming bilang ng mga kaaway upang malayang maka-withdraw nang ligtas ang kanilang mga kasama.
Nang marekober ang bangkay ng dalawa ay tadtad ng punglo ang kanilang mga katawan at may tama ng bala ang kanilang mga ulo. Naigupo man ang kanilang katawang pisikal, ang diwa ng kagitingan na naikintal nila ay mananatili sa puso’t diwa ng sambayanan. Paalam sa inyong dalawa, mga magiting na kasama…
