“The secret of LIFE
isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live
once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause...one
lifetime is more than enough...”
ni Bert Fabregas
Ang pangangalaga sa buhay at ari-arian ang
pangunahing tungkulin ng mga Alagad ng
Batas. Ang pagtatanggol at pagbibigay nang proteksyon sa mamamayan ang dapat
mangibabaw sa mga gampanin na dapat isakatuparan ng bawat kasapi ng Pambansang
Pulisya sa anumang oras at saan mang
pook. Malinaw ang mga batayang adhikaing ito sa bawat kasapi ng Philippine
National Police.
509th
Provincial Mobile Group
Alas 9:00 nang umaga, November 9, 2009,
nakatanggap ng inpormasyon ang tropa ni PINSP JERSON DE LEON tungkol sa
panggugulo at pananakot ng mga armadong grupo sa bahay ng isang Garry Goyala sa
Barangay JP Laurel, Bulan, Sorsogon. Dahil sa hangaring mabigyan nang
proteksyon ang tahimik na mamamayan laban sa mga manliligalig, agad na
rumesponde sa nasabing lugar ang team ni PINSP DE LEON subalit agad na
nakatakas ang armadong grupo na kanilang target.
Dahil dito ay nagpasya nang bumalik sa
kanilang himpilan ang tropa ng PNP at binagtas ang ibang daan patungo sa
kanilang kampo. Hindi nila alam na pumasok sila sa nakaumang na patibong ng mga
kasapi ng New People’s Army. Alas 11:00 ng umaga, binabaybay ng tropa ang
kalsada sa Barangay Antipolo nang biglang yumanig ang lupa. Sumabog sa gitna ng
kalsada ang isang landmine na itinanim ng mga NPA. Dahil sa lakas nang impact
ay tumilapon nang may 20 metro ang behikulong kinalululanan ng mga Pulis.
Nakakabingi ang atungal ng matataas na
kalibre ng baril, pinaulanan ng bala ng mga NPA ang mga pulis. Sa unang bugso
ng pagsabog ay agad na namatay sina PINSP DE LEON, SP01 Johnson Gerola, P02
Darwin Detoit at P01 Ryan Padrique. Nasugatan naman sina P01 Frans Guamos, P01
Alain Lanuza at P01 Alwin Baldano. Sa kabila nang sinapit na kamatayan ng apat
na kasamahan, hindi nawalan ng loob ang tatlong sugatang Alagad ng Batas at
buong bangis na gumanti ng putok sa mga NPA. Buong giting na lumaban ang tatlo,
HANGGANG SA HULING PATAK NG DUGO!!! Ito ang malinaw na prinsipyong nakatanim sa
nag-aalab na hangarin ng tatlo na lumaban para sa mamamayan at DEMOKRASYA.
Dahil sa ipinamalas na katapangan ng mga pulis ay napilitang umurong sa labanan
ang nakakaraming bilang ng mga tumambang lalo na nang dumating ang
reinforcement troops ng pamahalaan.
Nang humupa ang labanan, agad na isinugod sa
pinakamalapit na ospital ang tatlong sugatang pulis upang malapatan nang
kaukulang lunas. Panlulumo naman ang lumukob na emosyon sa mga rumespondeng
tropa ng gobyerno nang makita ang madugong wakas na sinapit ni PINSP DE LEON at
tatlong tauhan. Muling dinilig ng dugo ng mga Alagad ng Batas ang lupain ng
Sorsogon upang maipagtanggol ang mamamayan laban sa mga manliligalig at kaaway
ng Demokrasyang Pilipino.
Sa bawat buhay na ibinubuwis ng isang pulis,
sa bawat dugong ibinubuhos ng isang kasamahan natin sa serbisyo ay lalong tumitingkad ang kulay pulang bahagi ng ating
watawat. Kulay dugong sumasagisag sa busilak na hangarin ng bawat isa sa atin
na paglingkuran nang tapat at buong puso ang mamamayang Pilipino maging ang
katumbas man nito ay ang ating buhay!

No comments:
Post a Comment