Monday, September 18, 2017

P03 Reynante Mananghaya, Northern Police District

“The secret of LIFE isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause...one lifetime is more than enough...”

Ni Bert Fabregas

            Ang buhay na inialay para sa kapwa ay puspos ng kadakilaan at maringal na adhika; ito ang pinakamataas na antas nang pagpapakasakit. Ang katumpakan ng mga katagang ito ay maaaninag sa ibinuhos na dugo ng mga Alagad ng Batas na nag-alay ng kanilang sarili upang mailigtas ang mamamayan laban sa mga masasamang elemento ng ating lipunan. Malinaw na isinulat sa dugo ni P03 Reynante Mananghaya ang kanyang kagitingan noong gabi ng Setyembre 23, 2009 sa Baclaran, lunsod ng Paranaque.

            Si P03 Mananghaya, 37 anyos, ay nakatalaga sa Northern Police District Anti-illegal Drugs Special Operations Group(DAIDSOG). Gabi ng Miyerkules noon, off-duty na siya at umalis sa kanilang Headquarters bandang alas siyete ng gabi upang umuwi sa kanyang bahay sa Barangay San Dionisio, Paranaque. Ayos sa ilang kasamahan, nasasabik na itong makauwi upang makapiling ang kanyang pamilya at mga mahal sa buhay. LRT umano ang sinakyan ng pulis upang mabilis itong makarating sa Baclaran.
            Naglalakad si P03 Mananghaya pababa ng LRT Baclaran Station nang matiyempuhan niya ang panghuholdap ng limang tao sa dalawang biktima na noon ay napapaligiran ng mga salarin. Dahil sa tawag ng tungkulin, agad na sumaklolo ang pulis at nagpakilala sa mga holdaper. Sa halip na matakot, lumakas pa ang loob ng mga suspek dahil sa nakararami nilang bilang at sinugod ang nag-iisang Alagad ng Batas. Dahil dito ay nagpaputok si Mananghaya at tinamaan ang isa sa mga holdaper na agad nitong ikinamatay. Ang apat nitong kasamahan ay humingi ng tulong sa mga istambay at mga kakilalang vendors sa nabanggit na area at pinaligiran ang pulis.

            Dalawang Barangay Tanod ang nagtangkang sumaklolo kay P03 Managhaya subalit maging sila ay pinagbuntunan ng galit at binugbog pa ng mga istambay.

            Nang mga sandaling iyon ay nag-isip ng kanyang option ang pulis, kung lalaban siya at mamamaril nang walang habas ay maraming inosente ang madadamay dahil nakihalo na sa mga galit na bystanders ang apat na holdaper. Kung uubusin niya ang laman ng kanyang magazine clip, may bubulagta at titimbuwang sa kanyang mga attackers subalit maraming inosente ang madadamay na binulag lamang nang pang-uudyok ng apat na kasamahan ng napatay na holdaper. Sa huli ay nanaig ang pagiging isang tunay na pulis ni P03 Mananghaya, na laging ang kapakanan ng mamamayan ang dapat mamayani...hindi siya lalaban! Sa halip na makapatay siya ng inosente sa pagtatanggol sa kanyang sarili, hahayaan na lamang niya na ang buhay niya ang maibuwis huwag lamang tamaan ng kanyang bala ang mga walang kinalamang mamamayan.

            Sa gitna nang nakaambang kamatayan, saglit na tumigil sa kanyang balintataw ang mga bagay, ingay at mga tao sa kanyang paligid. Sumulpot sa kanyang harapan ang isang tagpo: Isang maliit na kambing ang hinahabol ng mga hayok na asong gubat, nagpapahabol ang puting kambing sa mga maninila upang mailayo sa panganib ang kawan ng mga kambing na kaniyang kinaaaniban. Nang masukol ang munting kambing sa isang talampas, matatag niyang hinarap ang mga gutom na aso dahil sa katiyakan na malayo na at ligtas ang kanyang kawan. Agad na dinaluhong at nilapa ng mga hayok ang puting kambing...may kahinahunang tinanggap niya ang kanyang kamatayan nang may dignidad.    
  
            Kaalinsabay nito ay napukaw ang kamalayan ni P03 Mananghaya sa isang saksak na iniunday sa kanyang katawan, naramdaman niya ang pagpulandit ng sariwang dugo mula sa sugat. Nagpumilit siyang manlaban subalit maraming kamay ang pumipigil sa kanyang mga braso. Patuloy ang pagdaluhong at pagsugod sa kanya ng mga istambay at vendors...muli ay naramdaman niya ang pagtusok ng mga kutsilyo sa kanyang pisikal na katawan. Isa, dalawa, tatlo...mga saksak ng katrayduran at karuwagan na nanghiram lamang ng huwad na tapang sa dami ng kumukuyog sa magiting na pulis. “TAMA NA PO, MAAWA KAYO SA KANYA!!, impit na sigaw ng pagsusumamo ng biktima ng mga holdaper na tinulungan ni P03 Mananghaya  subalit talagang hayok sa dugo ng pulis ang mga sumalakay sa kanya. Sa nanlalabong paningin at unti-unting pumapanaw na ulirat ni Mananghaya ay naaaninag niya ang kanyang mahal na pamilya na naghihintay sa kanyang pag-uwi, naghihintay ng kanyang mainit na yakap at pagkalinga subalit...hindi na ito magkakaroon nang katuparan...

            Nang humupa ang nag-aalimpuyong bangis ng mga salarin ay duguang lumatag sa malamig na sementadong kalsada ng lunsod ang walang buhay na katawan ng isang magiting na Alagad ng Batas.

            Sa isang panayam, pinapurihan ni PCSUPT SAMUEL PAGDILAO, Jr, NPD Director noon, ang kabayanihan ni P03 Mananghaya. “ His death is very unfortunate. But to have sacrificed his life to save another against criminals makes him a true hero. We at the NPD are truly proud of him...He was off duty, out of unit and on his way home, he could have ignored the plea of the victims but chose otherwise because he was a good cop and true to his oath”.


            Sa iyong pagpanaw kasamang P03 Reynante Mananghaya, baunin mo ang aming pagpupugay sa iyong kadakilaan at makakaasa kang mananatiling nakakintal sa aming diwa at puso ang iyong kagitingan. Mabuhay ka!!!

No comments:

Post a Comment