Sunday, September 17, 2017

“The secret of LIFE isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause...one lifetime is more than enough...”

Ni Bert  Fabregas

Kabayanihang Isinulat sa Dugo

P02 Abel P Arreola
Special Action Force

Sa bawat buhay na ibinubuwis ng isang pulis, sa bawat dugong ibinubuhos ng isang kasamahan natin sa serbisyo ay lalong  tumitingkad ang kulay pulang bahagi ng ating watawat. Kulay dugong sumasagisag sa busilak na hangarin ng bawat isa sa atin na paglingkuran nang tapat at buong puso ang mamamayang Pilipino maging ang katumbas man nito ay ang ating buhay! Ang oryentasyong ito ay isinasapuso at isinasabuhay ng isang tunay na alagad ng batas. Ito ang tinahak na landas ni P02 Arreola.

Alas 6:30 ng umaga noon, 14 March 2005, ginulantang ang National Capital Region(NCR) nang pagtatangka ng mga bilanggo sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa na tumakas sa kanilang piitan. Ang mga kasapi ng kilabot na bandidong grupo na Abu Sayyaf ang namuno sa mga bilanggo sa jailbreak attempt matapos nilang patayin ang ilang jailguards ng Bureau of Jail Management and Penology ( BJMP). Naging malawak
na ang media coverage nang nagaganap na panghu-hostage ng grupo ni Galib Andang (aka Kumander Robot). Hinihingi na ng taumbayan ang agarang resolusyon ng Bicutan Crisis.

Bandang umaga ng 15 March 2005 ay naglunsad ng RESCUE OPERATION ang tropa ng pamahalaan upang wakasan na ang krisis at iligtas ang daan-daang bilanggo na naging hostage ng mga terorista. Bandang ala 1:15 ng hapon, kabilang si P02 ARREOLA sa mga kasapi ng Philippine National Police (PNP) - Special Action Force (SAF)  na nagsagawa ng clearing operations, tinungo niya ang cell- 23 ng District Jail upang i-clear ang area. Nakita ni ARREOLA ang dalawang Abu Sayyaf na armado ng pistola at nagkakanlong sa Comfort Room ng selda. Pinaputukan ng pulis ang isa sa mga terorista subalit nakipagsabayan din ng putok ang isa sa mga ito. Tinamaan ng dalawang beses sa katawan ang magiting na pulis subalit kahit na bumagsak na ito sa semento dahil sa tama ng mga bala ay nagawa pa rin niyang gumanti ng putok sa katunggali. Nagawa pang maghagis ng granada ang terorista na bumagsak sa tabi nang naghihingalong pulis. Isang malakas na pagsabog ng granada ang tumapos sa kagitingan ni P02 Arreola.

Ayon sa ilang saksi, kahit na naghihingalo na ay nagpumilit pa rin si P02 Abel Arreola na maiharang ang kanyang katawan sa granada upang huwag matamaan ng shrapnel ang iba pa niyang kasamahan. Sa huling sandali ng kanyang buhay, kapakanan pa rin ng kanyang kapwa at mga kasamahan ang kanyang isinaalang-alang...isang katangiang pinanday at hinubog ng PNP-SAF sa katauhan ni Abel na kanyang yinakap hanggang sa huling hibla ng kanyang hininga.

Matapos ang nasabing krisis, 22 kasapi ng mga teroristang Abu Sayyaf ang na-neutralize, nailigtas naman ng PNP ang humigit kumulang sa 400 inmates samantalang isang magiting na pulis ang nag-alay ng kanyang buhay. Sa ipinamalas niyang kabayanihan, humanga ang sambayanan sa kagitingan ni P02 Abel Arreola, isang tunay na Pulis Ng Pilipino!!




No comments:

Post a Comment