Thursday, October 26, 2017

Senior Supt. Julasirim Kasim, Bayani ng Sulu


Bantayog ng Kagitingan

“ The secret of LIFE isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…”

Ni Bert Fabregas


“Senior Supt. Julasirim Kasim, Bayani ng Sulu”


Isang opisyal na kilala sa katapangan, kabilang si PSSUPT JULASIRIM KASIM sa mga pinuno ng Philippine National Police (PNP)  na naniniwala sa kasabihang ang isang tunay na lider ay dapat na nangunguna sa labanan at pinakahuling umaatras sa isang sagupaan. Ang katangian niyang ito ang hinangaan sa kanya ng kanyang mga naging kasama at tauhan sa PNP; ang katapangan  ding ito ang mga titik na matingkad niyang iniukit sa dugo hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay noong May 7, 2009 sa Maimbung, Sulu.
    
Kilala si Kasim bilang isang tahimik na opisyal at palaging namumuno sa mga operasyon kontra Abu Sayyaf at mga masasamang elemento sa lalawigan ng Sulu. Kahit na marami siyang accomplishments ay hindi naman nakahiligan ni Kasim na magpa-press conference o kaya ay magtawag ng media. Hindi siya mahilig sa publicity at nanatiling isang silent operator. 

Si Kasim rin ang nasa likod ng matagumpay na kampanya ng pamahalaan sa mga "loose firearms" at ilegal na droga sa Sulu. Likas na mahiyain, nanatiling mapagpakumbaba ang opisyal sa kabila ng mga papuring iniuukol sa kanya ng mamamayan- isa rin si Kasim sa mga respetadong opisyal ng pulisya sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Araw ng Huwebes noon, bandang alas 2:00 ng hapon--- nagsasagawa ng operasyon ang tropa ni PSSUPT KASIM upang mailigtas ang banyagang bihag ng ABU SAYYAF na si  Eugenio Vagni nang paulanan ng bala ang kanilang sasakyan ng mga manliligalig. Sa kabila ng pananambang, magiting na lumaban ang tropa ng PNP na nagresulta sa pagkamatay ng apat na bandido at pagkasugat naman ng mga ambushers.

Nang mapawi ang usok nang pulbura, nasilayan ng kanilang mga kasamahan ang wala nang buhay na katawan nina PSSUPT JULASIRIM KASIM, SPO3 Asbi Jammahari, SPO3 Abdurajan at sibilyang si Rosalin Kasim. Nakilala naman ang dalawa sa apat na Abu Sayyaf ambushers na napatay na sina Abul Rahim at isang alyas Joko.

Narekober nang tropa ng pamahalaan mula sa mga manliligalig ang isang Cal 30 M-1 Garand Rifle, isang M-203, M-14 at M-16 na riple.

Pawang papuri naman ang sinambit ni Governor Sakur Tan, ang gobernador noon ng Sulu sa kagitingan, dedikasyon at propesyonalismo ni PSSUPT KASIM.  Isang malaking kawalan umano sa pulisya ang pagkasawi ng opisyal at  binansagan nitong isang dakila at bayani ang nasawing pulis dahil sa pagtupad nito sa kanyang sinumpaang tungkulin na “ TO SERVE AND PROTECT”.

Si Kasim ay 55 taong gulang at malapit nang magretiro nang mapatay.


Sunday, October 1, 2017

P03 JOEL P. BELARMINO/ P01 VICTOR M. MONDEJAR - Kalookan City Police Station

“The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…”
                                                                   ni Bert Fabregas


P03 JOEL P. BELARMINO/ P01 VICTOR M. MONDEJAR
Kalookan City Police Station

TO SERVE AND PROTECT, ito ang malinaw na tungkulin ng isang tunay na alagad ng batas na tinanganan hanggang sa huling sandali ni P03 Belarmino at P01 Mondejar. Night Duty Officers ang dalawa at nasa Monumento Circle bandang alas 7:20 ng gabi noong  24 February 2009 nang may mamataan silang nag-aaway na magkapareha. Ang babae ay may pasa sa mukha at  namamaga ang kaliwang mata at ilong dahil sa suntok mula sa kasamang lalaki. Agad na rumesponde ang dalawang pulis at sinita ang suspek na nagpakilalang isang sundalo. Nangatwiran din ito na away mag-asawa lang ang nangyayari at hindi dapat makialam sina Belarmino at Mondejar.

Gayunman, isinama pa rin ng dalawang pulis ang nag-aaway na magkapareha sa kanilang service vehicle( SHU-782 ) upang dalhin sa presinto para isailalim sa imbestigasyon. Habang tinatahak ng sasakyang minamaneho ni Belarmino ang paikot na bahagi ng Monumento, partikular na sa harap ng gusali ng lumang Ever Emporium, biglang binunot ng lalaki ang kanyang baril sa baywang at ipinutok kay Belarmino. Agad ding binaril ng suspek ang nabiglang si P01 Mondejar na agad nitong ikinamatay. Kahit  malubhang nasugatan, pinilit pa rin ni Belarmino na lumaban subalit agad din siyang nawalan ng ulirat dahil sa malubhang sugat na kanyang natamo. Ang naganap na insidente ay nakatawag pansin kay P01 Edgar Ogalesco ng Kalookan-PNP,  nang makita ang mga duguang kabaro, agad siyang rumesponde kasama si P01 Ricardo Cuevas ng Malabon Police na nagresulta sa pagkadakip ng tumakas na salarin. Sa proseso nang pag-aresto, ipinamalas ng taumbayan ang kanilang malasakit sa mga pulis at tumulong sa pagtugis sa tumakas na killer. Dahil sa poot ng taumbayan sa pagkamatay ng dalawang alagad ng batas, kinuyog ng mga ito ang suspek bago naawat ng mga rumespondeng pulis.

Sa presinto, nakilala ang suspek na si Aristotel Calagui Y Bucayu, 44 years old, jobless at residente ng 1301 Naval Street,Barangay San Roque, Navotas City. Nakumpiska sa pag-iingat nito ang service firearm ni Belarmino at ang 45 caliber na kanyang ginamit sa pagpaslang sa dalawang alagad ng batas. Kinilala din ng pulisya  ang nabugbog na kalive-in partner ni Calagui na si Christine Napoles Y Leonor, 24 anyos. Selos ang lumutang na dahilan ng pananakit ni Calagui sa babae na agad na tinulungan ni Belarmino at Mondejar.  Sinampahan ng mga kasong Murder(2 counts), Robbery, Violation of RA 8294(Illegal Possession of Firearms and Ammunitions) at Violation of RA 9262(Violence Against Women and Children) si Calagui na napiit sa Kalookan City Jail.



MGA TUNAY NA ALAGAD NG BATAS

“ Masipag ang dalawang pulis natin at maaasahan, tuwing roll call, present lagi sila, sayang at nalagasan tayo ng mabubuting mga kasama”,  ang malungkot na pahayag ni PSSUPT WILLIAM MACAVINTA, COP ng Kalookan noon. Nagpahayag din ng kalungkutan dahil sa sinapit ni Belarmino si SP03 Samad Baharan na kabatch niya sa Philippine Constabulary. “Sayang si “Aiza” (tawag ng batchmates kay Belarmino). Hindi siya napatay sa mga engkuwentro sa rural areas pero dito lang pala sa lunsod matatapos ang buhay niya. Marami pa naman siyang anak…”,ang himutok ni Baharan.

Si P03 JOEL BELARMINO, 46 anyos, ay may naulilang pitong anak na may mga edad na tatlo hanggang labing-anim na taon. Iniwan naman ni P01 VICTOR MONDEJAR ang kanyang maybahay  at sanggol na halos ay isang buwan pa lang ang edad.      

Ito ang mapanglaw na katotohanan at bahagi na ng buhay ng isang pulis. Buhay ang puhunan natin sa pagtupad sa sinumpaang tungkulin. Sa bawat paglisan natin sa ating tahanan upang pumunta sa destino, hagkan na natin at yapusin ang ating mga mahal sa buhay dahil baka iyon na ang huling pagkakataon na maipadama natin sa kanila ang ating pagmamahal. Ang amin lang hinihingi sa mamamayan ay ang pang-unawa at pagtitiwala. Sa pagtugon sa tawag ng tungkulin, minsan lang magkakamali ang isang pulis at ang pagkakamaling iyon ay mangangahulugan ng kanyang buhay. Laging maging alerto at maingat sa pagpapatupad ng batas. Huwag ding magtitiwala sa sitwasyon at sa sinumang tao na ating sinisita. Tandaan natin na iisa lang ang ating buhay at wala itong katumbas na halaga. Kung tayo man ay masawi, mamamatay sana tayong may dangal at naglilingkod sa sambayanan. Sana’y tahakin natin ang masukal na landas patungo sa Bantayog ng Kagitingan…

Friday, September 29, 2017

P01 JOEL GONZALES- Pulis Kalookan


The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…”

ni Bert Fabregas

Police Officer 1 JOEL GONZALES
Kalookan Police Station 

Pangunahing  tungkulin ng isang pulis ang panatilihing ligtas ang mamamayan laban sa kriminalidad at mga masasamang elemento. Nakabatay ang ganitong oryentasyon sa doktrinang “To Serve and Protect”  na isinasapuso ng bawat isang kasapi ng Philippine National Police. Sinusuhayan din ito ng tatlong pangunahing values na “ Service, Honor at Justice” na isinasabuhay ng isang tunay na Alagad ng Batas. Walang pag-aalinlangan na ang isang magiting na pulis ay laging nakahandang itaya ang kanyang buhay upang matiyak na mananatiling mapayapa ang pamayanang kanyang kinabibilangan.

Ito ang dakilang adhikain na isinulong ni P01 Gonzales, batid niya ang kahalagahan ng kapayapaan upang yumabong ang kalakalan at negosyo na magbubunsod nang konkretong pag-unlad. Kaya hindi siya nagdalawang-isip na itaya ang kanyang buhay upang malansag ang isang kilabot na grupo ng mga kriminal.  

Taong 2005, buwan ng Oktubre, nakaengkuwentro ni Gonzales ang dalawang kasapi ng kilabot na Kwatog Gang na naging salot na sa mga residente ng isang subdivision sa Lunsod ng Kalookan. Bagaman at nag-iisa, walang takot niyang hinarap ang dalawang suspek at nakipagbarilan sa mga ito. Napatay ng pulis ang isa sa mga kriminal.  Gayunman, nagtamo ng anim na tama ng bala sa katawan si P01 Gonzales at tumagal pa ng apat na araw sa ospital bago binawian ng buhay. Ayon sa mga saksi, buong tapang na nakipagsabayan ng putok ang pulis sa mga kriminal at kahit malubhang nasugatan nagawa pa rin niyang mabaril ang suspek na si Conrado Marcelo, Jr.

Sa edad na 31, masasabing wala pa dapat sa oras ang pagkamatay ni P01 Gonzales subalit para sa mamamayang pinaglingkuran at pinagbuwisan ng buhay ng pulis, puspos nang kahalagahan ang kanyang naging buhay dito sa mundo. Ang buhay ng isang tao ay hindi nakikita sa edad bagkus ay sa esensya at papel na kanyang iniambag para sa kapakanan ng kanyang kapwa tao.

Bilang pagkilala sa kanyang katapangan, pinagkalooban ni Caloocan City Mayor Enrico "Recom" Echiverri ng posthumous award si Police Officer 1 Joel Gonzales at binigyan ng P25,000 pinansiyal na tulong ang kanyang naiwang pamilya.

Sinabi ni Mayor Echiverri na nararapat lamang na kilalanin ng mga taga-Kalookan ang ipinakitang kagitingan ni Gonzales sa harap ng kanyang mga kaaway at bigyang halaga ang kanyang  kamatayan dahil iilang tao lamang ang may kakayahang gumawa ng katulad nang ipinamalas niyang kagitingan. Ayon sa alkalde, kinakatawan ni Gonzales ang buong Kaloocan City Police sa kanilang pagsisilbi sa mga mamamayan kahit ano pa ang mangyari sa kanila.


IHANDOG ANG IISANG BUHAY...

Samantala, nagpupugay po ang kolum na ito sa mga kapatid nating pulis na napatay sa pagtupad sa kanilang tungkulin :

P01 KENNY ENRIQUEZ- 24 years old, nakatalaga sa Catarman Municipal Police Station sa Samar. Siya ay binaril ng dalawang salarin sa loob ng Star Burger House na  nasa JP Rizal Street noong July 24, 2010.

SP01  ABDUL  ABDULHALIM ng Panglima Tahil Municipal Police Station, Sulu. Papunta sa Provincial Police Office si Abdul nang siya ay pataksil na binaril ng isang lalaki,Nagtamo siya ng dalawang tama ng bala at namatay habang isinusugod sa ospital. Naganap ang pananambang sa pulis noong July 25, 2010.

SP02 SONNY PELOVELLO ng Igui Municipal Police Station, Cagayan. Napatay siya habang nagriresponde sa isang robbery case. Nagpapatrolya ang kanyang team sa Barangay Ajat nang isang Jessica Biare ang humingi sa kanila ng Police Assistance noong July 24, 2010. Sa kasamaang palad, napatay ng suspek si Pelovello habang tumutupad sa tawag ng tungkulin.

Monday, September 25, 2017

Police Officer-1 NORIEL LUAGUE

Bantayog ng Kagitingan

“ The secret of LIFE isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…”

Ni Bert Fabregas

“ Sa Tungkulin Aming Karangalan …”


            “ Sa tungkulin aming karangalan, ihandog ang iisang buhay…”, ito ang makahulugang titik ng PNP Hymn na nakakintal sa puso at diwa ng isang tunay na Pulis. Batbat nang pagpapakasakit,  iilan lang ang binibigyan nang pagkakataon na maipamalas ang ganitong sakripisyo para sa isang dakilang layunin… To serve and Protect--- iilan lamang ang tinawag na tahakin ang landas tungo sa Kadakilaan at Kagitingan.

            Ito ang daang binagtas ni P01 Luague ng Criminal and Investigation Intelligence Bureau (CIIB) ng Cebu City Police. Namatay siyang nakikipaglaban, napaslang siya habang tumutupad sa kaniyang tungkulin.     

            Araw ng Lunes noon December 10, 2007, pinarangalan pa si P01 Luague ng PNP ng  Medalya ng Kagalingan kasama ang 13 pulis dahil sa pagkadakip sa  isang  Alyas AVES, diumano’y isang hitman ng Alpha Kappa Rho fraternity na sangkot sa maraming kaso nang pamamaslang.  Matapos ang awarding ceremony, agad na nag-duty si Luague at sumama kay SPO2 Delfin Bontuyan sa isang follow-up operation na nakatuon sa kontak ni AVES na si Baclohan, 54 anyos. Armado ng search warrant na ipinalabas ni Judge Geraldine Faith Econ ang dalawang Pulis.

            Sa proseso ng operasyon, napasok ng dalawa ang bahay ng subject, subalit may naulinigang boses ng lalaki mula sa isang kuwarto  si Bontuyan. Dahil sito, binalaan niya ang nakababatang Pulis na mag-ingat. “ Huwag kang magkumpiyansa tol dahil may tao sa loob,” babala ni Bontuyan. Bigla na lamang namatay ang ilaw sa loob ng silid  na sinundan naman ng bugso ng mga putok ng baril. Kahit sugatan, gumanti pa ng putok si PO1 Luague bago tuluyang bumagsak ang kanyang katawan. Nagpaputok pa ng apat na beses si Baclohan na noon ay armado ng 357 revolver bago tuluyang napatay ni SPO2 Bontuyan ang suspek nang mabaril niya ito sa ulo.

            Matapos ang insidente, hinalughog ng mga pulis ang bahay ni Baclohan kung saan nakumpiska ang isa pang 357 revolver, 22 cal at isang 38 revolver. Narekober din ng mga Alagad ng Batas ang ilang bladed weapons at isang fatigue uniform. Ayon sa pulisya, ang namatay na suspek ay sangkot sa mga illegal activities at pagpatay sa isang Japanese National sa Mandaue City noong nakaraang taon.

            Nalungkot ang mga kasama ni PO1 Luague dahil sa kanyang sinapit. Taong 2006 lamang ng pumasok sa serbisyo ang magiting na Pulis. Ayon sa kanyang mga nakatrabaho, hangad niya lagi na matuto at may dedikasyon siya sa kanyang tungkulin.



            Kalungkutan man ang idinulot ng naging kapalaran ni PO1 Noriel Luague dahil sa maaga niyang pagpanaw, nakintal naman sa puso ng kanyang mga nakasalamuha ang halimbawa ng kagitingan ng isang tunay na Alagad ng Batas. Ang sabi nga ng yumaong si PSSUPT ISAIAS R LIM noong siya ay nagsusulat pa dito sa Police Digest, “ Tayong lahat , pulis man at sundalo ay mamamatay, walang makapagsasabi kung kailan at saan? Hindi mahalaga sa akin kung kailan at saan tayo kukunin ng Poong Maykapal, o kung saan mahihimlay ang ating katawang lupa. Ang mahalaga sa akin, ay kung sa paanong paraan namatay ang isang pulis o kawal? Namatay ba siya para sa isang Dakilang mithiin nang may KARANGALAN o yumao siya na walang dignidad at walang dangal?” 


Monday, September 18, 2017

P03 Reynante Mananghaya, Northern Police District

“The secret of LIFE isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause...one lifetime is more than enough...”

Ni Bert Fabregas

            Ang buhay na inialay para sa kapwa ay puspos ng kadakilaan at maringal na adhika; ito ang pinakamataas na antas nang pagpapakasakit. Ang katumpakan ng mga katagang ito ay maaaninag sa ibinuhos na dugo ng mga Alagad ng Batas na nag-alay ng kanilang sarili upang mailigtas ang mamamayan laban sa mga masasamang elemento ng ating lipunan. Malinaw na isinulat sa dugo ni P03 Reynante Mananghaya ang kanyang kagitingan noong gabi ng Setyembre 23, 2009 sa Baclaran, lunsod ng Paranaque.

            Si P03 Mananghaya, 37 anyos, ay nakatalaga sa Northern Police District Anti-illegal Drugs Special Operations Group(DAIDSOG). Gabi ng Miyerkules noon, off-duty na siya at umalis sa kanilang Headquarters bandang alas siyete ng gabi upang umuwi sa kanyang bahay sa Barangay San Dionisio, Paranaque. Ayos sa ilang kasamahan, nasasabik na itong makauwi upang makapiling ang kanyang pamilya at mga mahal sa buhay. LRT umano ang sinakyan ng pulis upang mabilis itong makarating sa Baclaran.
            Naglalakad si P03 Mananghaya pababa ng LRT Baclaran Station nang matiyempuhan niya ang panghuholdap ng limang tao sa dalawang biktima na noon ay napapaligiran ng mga salarin. Dahil sa tawag ng tungkulin, agad na sumaklolo ang pulis at nagpakilala sa mga holdaper. Sa halip na matakot, lumakas pa ang loob ng mga suspek dahil sa nakararami nilang bilang at sinugod ang nag-iisang Alagad ng Batas. Dahil dito ay nagpaputok si Mananghaya at tinamaan ang isa sa mga holdaper na agad nitong ikinamatay. Ang apat nitong kasamahan ay humingi ng tulong sa mga istambay at mga kakilalang vendors sa nabanggit na area at pinaligiran ang pulis.

            Dalawang Barangay Tanod ang nagtangkang sumaklolo kay P03 Managhaya subalit maging sila ay pinagbuntunan ng galit at binugbog pa ng mga istambay.

            Nang mga sandaling iyon ay nag-isip ng kanyang option ang pulis, kung lalaban siya at mamamaril nang walang habas ay maraming inosente ang madadamay dahil nakihalo na sa mga galit na bystanders ang apat na holdaper. Kung uubusin niya ang laman ng kanyang magazine clip, may bubulagta at titimbuwang sa kanyang mga attackers subalit maraming inosente ang madadamay na binulag lamang nang pang-uudyok ng apat na kasamahan ng napatay na holdaper. Sa huli ay nanaig ang pagiging isang tunay na pulis ni P03 Mananghaya, na laging ang kapakanan ng mamamayan ang dapat mamayani...hindi siya lalaban! Sa halip na makapatay siya ng inosente sa pagtatanggol sa kanyang sarili, hahayaan na lamang niya na ang buhay niya ang maibuwis huwag lamang tamaan ng kanyang bala ang mga walang kinalamang mamamayan.

            Sa gitna nang nakaambang kamatayan, saglit na tumigil sa kanyang balintataw ang mga bagay, ingay at mga tao sa kanyang paligid. Sumulpot sa kanyang harapan ang isang tagpo: Isang maliit na kambing ang hinahabol ng mga hayok na asong gubat, nagpapahabol ang puting kambing sa mga maninila upang mailayo sa panganib ang kawan ng mga kambing na kaniyang kinaaaniban. Nang masukol ang munting kambing sa isang talampas, matatag niyang hinarap ang mga gutom na aso dahil sa katiyakan na malayo na at ligtas ang kanyang kawan. Agad na dinaluhong at nilapa ng mga hayok ang puting kambing...may kahinahunang tinanggap niya ang kanyang kamatayan nang may dignidad.    
  
            Kaalinsabay nito ay napukaw ang kamalayan ni P03 Mananghaya sa isang saksak na iniunday sa kanyang katawan, naramdaman niya ang pagpulandit ng sariwang dugo mula sa sugat. Nagpumilit siyang manlaban subalit maraming kamay ang pumipigil sa kanyang mga braso. Patuloy ang pagdaluhong at pagsugod sa kanya ng mga istambay at vendors...muli ay naramdaman niya ang pagtusok ng mga kutsilyo sa kanyang pisikal na katawan. Isa, dalawa, tatlo...mga saksak ng katrayduran at karuwagan na nanghiram lamang ng huwad na tapang sa dami ng kumukuyog sa magiting na pulis. “TAMA NA PO, MAAWA KAYO SA KANYA!!, impit na sigaw ng pagsusumamo ng biktima ng mga holdaper na tinulungan ni P03 Mananghaya  subalit talagang hayok sa dugo ng pulis ang mga sumalakay sa kanya. Sa nanlalabong paningin at unti-unting pumapanaw na ulirat ni Mananghaya ay naaaninag niya ang kanyang mahal na pamilya na naghihintay sa kanyang pag-uwi, naghihintay ng kanyang mainit na yakap at pagkalinga subalit...hindi na ito magkakaroon nang katuparan...

            Nang humupa ang nag-aalimpuyong bangis ng mga salarin ay duguang lumatag sa malamig na sementadong kalsada ng lunsod ang walang buhay na katawan ng isang magiting na Alagad ng Batas.

            Sa isang panayam, pinapurihan ni PCSUPT SAMUEL PAGDILAO, Jr, NPD Director noon, ang kabayanihan ni P03 Mananghaya. “ His death is very unfortunate. But to have sacrificed his life to save another against criminals makes him a true hero. We at the NPD are truly proud of him...He was off duty, out of unit and on his way home, he could have ignored the plea of the victims but chose otherwise because he was a good cop and true to his oath”.


            Sa iyong pagpanaw kasamang P03 Reynante Mananghaya, baunin mo ang aming pagpupugay sa iyong kadakilaan at makakaasa kang mananatiling nakakintal sa aming diwa at puso ang iyong kagitingan. Mabuhay ka!!!

PO2 JOSE CLINT CANETE

The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…”

Bert  Fabregas


          Ang panganib na dulot nang pagiging isang Alagad ng Batas ay laging nakabuntot na anino sa isang responsableng kagawad ng pulisya. Ang karit ni KAMATAYAN ay laging nakaamba dahil sa ating banal na tungkuling ipatupad ang batas nang patas at walang kinikilingan. Kadalasang nasa bingit ng panganib ang ating mga operatiba dahil sa mga trabaho at kasong kanilang hinahawakan. Ang mga kasong kaugnay sa ilegal na droga ay isa sa mga sensitibong trabaho na kinakaharap ng ating anti-illegal drugs operatives.

          Mahirap banggain ang mga sindikatong sangkot sa ilegal na droga. Marami silang perang panggastos upang makakuha ng proteksyon, kaya nilang magbayad ng mga de-kampanilyang abugado, tiwaling law enforcers, corrupt na piskal at maging mga tiwaling personnel ng judiciary at MEDIA. Kadalasang tinatadtad ng asunto ang isang pulis ng mga abugado ng drug syndicates upang bumaba ang moral nito at manghina ang loob. Wawasakin naman ng mga PR men ng sindikato, through character assassination, ang pagkatao ng pulis upang mawalan siya ng kredibilidad. Kapag hindi umubra ang harassment at pananakot, lalagyan nila ng presyo ang ulo mo upang burahin ka na nila ng tuluyan sa mundo.   

          Para sa isang tunay na Pulis na kagaya ni PO2 Canete, buo ang loob na haharapin niya ang lahat ng pagsubok at panganib upang matupad niya ang kanyang sinumpaang tungkulin na ‘TO SERVE and PROTECT”.    

          October 21, 2008, bandang tanghali--- galing sa isang hearing si PO2 Canete at patungo na ng Regional Headquarters sakay ng motorsiklo nang siya ay pataksil na binaril sa likod ng dalawang lalaking nakamotorsiklo din. Kahit na malubang nasugatan at sumadsad ang kanyang sasakyan  sa railing ng Mactan-Mandaue bridge, pilit pa ring binunot ni Canete ang kanyang baril subalit di na niya ito naiputok dahil agad na nakalayo na ang dalawang salarin at sa pangambang may matamaan siyang inosenteng tao.

          Ayon sa isang saksi, dalawang lalaki na naka-jacket na itim at nakahelmet ang bumaril sa pulis at agad na tumakas papunta sa direksyon ng Mandaue. Agad na dinaluhan ng isang lalaki ang sugatang pulis subalit hindi na ito umabot ng buhay sa ospital. Batay sa inisyal na imbestigasyon at pagsisiyasat, marami nang natanggap na banta sa kanyang buhay si PO2 Canete dahil sa kanyang aktibong kampanya laban sa mga sindikato ng ilegal na droga. Bukod dito, may patong na umanong 70,000 pesos ang ulo ng pulis mula sa mga nasagasaan niyang sindikato dahil sa kanyang pagtupad sa tungkulin.

          Isinilang noong February 15, 1969 at pumasok sa serbisyo noong September 16, 1996, unang nadestino si Canete sa Regional Mobile Group bago nasabak sa Anti-Illegal drugs campaign kung saan nahasa niya ang kasanayan sa surveillance at paglansag sa mga kasapi ng sindikato ng droga.       

          Kilalang isang dedikadong pulis, maraming beses nang nalagay sa peligro ang buhay ni Canete. Minsan ay nabugbog ito at nagulpi ng mga opisyal ng barangay habang nagsasagawa ng surveillance operation subalit nagbunga naman nang pagkakaaresto ng mga drug pushers sa Barangay Ibabao noong 2003.. Ginawaran na rin siya ng Medalya ng Sugatang Magiting noong 2006 dahil sa pagresponde sa isang nabaril na Barangay Tanod at pakikipagbarilan sa suspek na si Alberto Palangan. Tinanamaan siya sa tiyan sa naganap na encounter subalit nahuli naman si Palangan.

          Sa edad na 39 natuldukan ang buhay ng isang magiting na pulis na nagngangalang PO2 JOSE CLINT CANETE. Maraming mamamayan ng komunidad ang nanghinayang sa kanyang pagpanaw. Naulila niya ang kanyang tatlong anak na lalaki at maybahay na si Charito na isang OFW at nagtatrabaho sa DUBAI nang siya ay mapaslang. Gayunman, ang kawalan at pangungulilang nararamdaman ng mga kamag-anak, kaibigan, at mga kasamahan ni Canete ay unti-unting napapawi dahil sa alalahaning hindi nasayang ang inialay niyang buhay sa ngalan ng BATAS at KATARUNGAN. Sa bawat putok ng baril na inialay ng PNP sa libing ni PO2 Canete, umaalingawngaw din sa nag-aalab na dibdib ng bawat pulis ang panatang ang bawat isa sa atin ay handang mamatay at mag-alay ng buhay para sa mamamayang ating pinaglilingkuran.



P02 ROMEO GILIG, Cebu City Police Office


The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…”

Ni Bert Fabregas





            Buwan ng Marso noon, 2001, araw ng lunes, bandang tanghali--- off duty na si P02 Gilig sa kanyang shift nang rumesponde siya sa isang robbery case sa Downtown Cebu. Agad siyang sumaklolo sa may-ari ng isang carpet store na si Alirisa Arbajab na nabaril sa paa ng tatlong holdaper sa kahabaan ng Jasmin Street malapit sa Capitol Building ng  Cebu.

            Sa kabila nang nakakaraming bilang ng mga masasamang elemento na kanyang makakatunggali, hindi nag-atubiling tumugon sa tawag ng tungkulin ang magiting na pulis at agad na dinaluhan ang gipit na kalagayan ng biktima na nasugatan dahil sa tama ng bala.

            Nakipagpalitan ng putok si P02 Gilig sa mga holdaper ngunit sa kasamaang palad ay tinamaan siya ng bala sa dibdib. Bagaman at malubha ang tinamong sugat, hindi nasiraan ng loob si Gilig at nagawa pa rin niyang kalabitin ang gatilyo ng kanyang baril bago nagdilim ang kanyang paningin at tuluyang nalagutan ng hininga. Ang huling punglo na kanyang pinakawalan ay tumama sa katawan at naging sanhi ng kamatayan ng isa sa mga holdaper na nakilalang si Christopher Ismas Berongis, tubong Clarin, Misamis Occidental.

            Sa nanlalabong paningin ni P02 Gilig, watawat ng Pilipinas ang kanyang nababanaagan na buong giting na nakawagayway at nakikipaglaro sa hangin. Para sa kanya, lilisanin niya ang mundong ito nang may dignidad. Babaunin niya sa hukay ang kagitingan ng isang tunay na Alagad ng Batas na itinaya ang sariling buhay upang mailigtas ang mamamayan laban sa masasama.                                                                                        

Kagitingan ng mga Kasapi ng 509th Provincial Mobile Group

“The secret of LIFE isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause...one lifetime is more than enough...”

ni Bert Fabregas

Ang pangangalaga sa buhay at ari-arian ang pangunahing  tungkulin ng mga Alagad ng Batas. Ang pagtatanggol at pagbibigay nang proteksyon sa mamamayan ang dapat mangibabaw sa mga gampanin na dapat isakatuparan ng bawat kasapi ng Pambansang Pulisya sa anumang oras at  saan mang pook. Malinaw ang mga batayang adhikaing ito sa bawat kasapi ng Philippine National Police.

509th Provincial Mobile Group
Alas 9:00 nang umaga, November 9, 2009, nakatanggap ng inpormasyon ang tropa ni PINSP JERSON DE LEON tungkol sa panggugulo at pananakot ng mga armadong grupo sa bahay ng isang Garry Goyala sa Barangay JP Laurel, Bulan, Sorsogon. Dahil sa hangaring mabigyan nang proteksyon ang tahimik na mamamayan laban sa mga manliligalig, agad na rumesponde sa nasabing lugar ang team ni PINSP DE LEON subalit agad na nakatakas ang armadong grupo na kanilang target.

Dahil dito ay nagpasya nang bumalik sa kanilang himpilan ang tropa ng PNP at binagtas ang ibang daan patungo sa kanilang kampo. Hindi nila alam na pumasok sila sa nakaumang na patibong ng mga kasapi ng New People’s Army. Alas 11:00 ng umaga, binabaybay ng tropa ang kalsada sa Barangay Antipolo nang biglang yumanig ang lupa. Sumabog sa gitna ng kalsada ang isang landmine na itinanim ng mga NPA. Dahil sa lakas nang impact ay tumilapon nang may 20 metro ang behikulong kinalululanan ng mga Pulis.




Nakakabingi ang atungal ng matataas na kalibre ng baril, pinaulanan ng bala ng mga NPA ang mga pulis. Sa unang bugso ng pagsabog ay agad na namatay sina PINSP DE LEON, SP01 Johnson Gerola, P02 Darwin Detoit at P01 Ryan Padrique. Nasugatan naman sina P01 Frans Guamos, P01 Alain Lanuza at P01 Alwin Baldano. Sa kabila nang sinapit na kamatayan ng apat na kasamahan, hindi nawalan ng loob ang tatlong sugatang Alagad ng Batas at buong bangis na gumanti ng putok sa mga NPA. Buong giting na lumaban ang tatlo, HANGGANG SA HULING PATAK NG DUGO!!! Ito ang malinaw na prinsipyong nakatanim sa nag-aalab na hangarin ng tatlo na lumaban para sa mamamayan at DEMOKRASYA. Dahil sa ipinamalas na katapangan ng mga pulis ay napilitang umurong sa labanan ang nakakaraming bilang ng mga tumambang lalo na nang dumating ang reinforcement troops ng pamahalaan.

Nang humupa ang labanan, agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital ang tatlong sugatang pulis upang malapatan nang kaukulang lunas. Panlulumo naman ang lumukob na emosyon sa mga rumespondeng tropa ng gobyerno nang makita ang madugong wakas na sinapit ni PINSP DE LEON at tatlong tauhan. Muling dinilig ng dugo ng mga Alagad ng Batas ang lupain ng Sorsogon upang maipagtanggol ang mamamayan laban sa mga manliligalig at kaaway ng Demokrasyang Pilipino.

Sa bawat buhay na ibinubuwis ng isang pulis, sa bawat dugong ibinubuhos ng isang kasamahan natin sa serbisyo ay lalong  tumitingkad ang kulay pulang bahagi ng ating watawat. Kulay dugong sumasagisag sa busilak na hangarin ng bawat isa sa atin na paglingkuran nang tapat at buong puso ang mamamayang Pilipino maging ang katumbas man nito ay ang ating buhay!

Sunday, September 17, 2017

“The secret of LIFE isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause...one lifetime is more than enough...”

Ni Bert  Fabregas

Kabayanihang Isinulat sa Dugo

P02 Abel P Arreola
Special Action Force

Sa bawat buhay na ibinubuwis ng isang pulis, sa bawat dugong ibinubuhos ng isang kasamahan natin sa serbisyo ay lalong  tumitingkad ang kulay pulang bahagi ng ating watawat. Kulay dugong sumasagisag sa busilak na hangarin ng bawat isa sa atin na paglingkuran nang tapat at buong puso ang mamamayang Pilipino maging ang katumbas man nito ay ang ating buhay! Ang oryentasyong ito ay isinasapuso at isinasabuhay ng isang tunay na alagad ng batas. Ito ang tinahak na landas ni P02 Arreola.

Alas 6:30 ng umaga noon, 14 March 2005, ginulantang ang National Capital Region(NCR) nang pagtatangka ng mga bilanggo sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa na tumakas sa kanilang piitan. Ang mga kasapi ng kilabot na bandidong grupo na Abu Sayyaf ang namuno sa mga bilanggo sa jailbreak attempt matapos nilang patayin ang ilang jailguards ng Bureau of Jail Management and Penology ( BJMP). Naging malawak
na ang media coverage nang nagaganap na panghu-hostage ng grupo ni Galib Andang (aka Kumander Robot). Hinihingi na ng taumbayan ang agarang resolusyon ng Bicutan Crisis.

Bandang umaga ng 15 March 2005 ay naglunsad ng RESCUE OPERATION ang tropa ng pamahalaan upang wakasan na ang krisis at iligtas ang daan-daang bilanggo na naging hostage ng mga terorista. Bandang ala 1:15 ng hapon, kabilang si P02 ARREOLA sa mga kasapi ng Philippine National Police (PNP) - Special Action Force (SAF)  na nagsagawa ng clearing operations, tinungo niya ang cell- 23 ng District Jail upang i-clear ang area. Nakita ni ARREOLA ang dalawang Abu Sayyaf na armado ng pistola at nagkakanlong sa Comfort Room ng selda. Pinaputukan ng pulis ang isa sa mga terorista subalit nakipagsabayan din ng putok ang isa sa mga ito. Tinamaan ng dalawang beses sa katawan ang magiting na pulis subalit kahit na bumagsak na ito sa semento dahil sa tama ng mga bala ay nagawa pa rin niyang gumanti ng putok sa katunggali. Nagawa pang maghagis ng granada ang terorista na bumagsak sa tabi nang naghihingalong pulis. Isang malakas na pagsabog ng granada ang tumapos sa kagitingan ni P02 Arreola.

Ayon sa ilang saksi, kahit na naghihingalo na ay nagpumilit pa rin si P02 Abel Arreola na maiharang ang kanyang katawan sa granada upang huwag matamaan ng shrapnel ang iba pa niyang kasamahan. Sa huling sandali ng kanyang buhay, kapakanan pa rin ng kanyang kapwa at mga kasamahan ang kanyang isinaalang-alang...isang katangiang pinanday at hinubog ng PNP-SAF sa katauhan ni Abel na kanyang yinakap hanggang sa huling hibla ng kanyang hininga.

Matapos ang nasabing krisis, 22 kasapi ng mga teroristang Abu Sayyaf ang na-neutralize, nailigtas naman ng PNP ang humigit kumulang sa 400 inmates samantalang isang magiting na pulis ang nag-alay ng kanyang buhay. Sa ipinamalas niyang kabayanihan, humanga ang sambayanan sa kagitingan ni P02 Abel Arreola, isang tunay na Pulis Ng Pilipino!!