Sunday, October 1, 2017

P03 JOEL P. BELARMINO/ P01 VICTOR M. MONDEJAR - Kalookan City Police Station

“The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…”
                                                                   ni Bert Fabregas


P03 JOEL P. BELARMINO/ P01 VICTOR M. MONDEJAR
Kalookan City Police Station

TO SERVE AND PROTECT, ito ang malinaw na tungkulin ng isang tunay na alagad ng batas na tinanganan hanggang sa huling sandali ni P03 Belarmino at P01 Mondejar. Night Duty Officers ang dalawa at nasa Monumento Circle bandang alas 7:20 ng gabi noong  24 February 2009 nang may mamataan silang nag-aaway na magkapareha. Ang babae ay may pasa sa mukha at  namamaga ang kaliwang mata at ilong dahil sa suntok mula sa kasamang lalaki. Agad na rumesponde ang dalawang pulis at sinita ang suspek na nagpakilalang isang sundalo. Nangatwiran din ito na away mag-asawa lang ang nangyayari at hindi dapat makialam sina Belarmino at Mondejar.

Gayunman, isinama pa rin ng dalawang pulis ang nag-aaway na magkapareha sa kanilang service vehicle( SHU-782 ) upang dalhin sa presinto para isailalim sa imbestigasyon. Habang tinatahak ng sasakyang minamaneho ni Belarmino ang paikot na bahagi ng Monumento, partikular na sa harap ng gusali ng lumang Ever Emporium, biglang binunot ng lalaki ang kanyang baril sa baywang at ipinutok kay Belarmino. Agad ding binaril ng suspek ang nabiglang si P01 Mondejar na agad nitong ikinamatay. Kahit  malubhang nasugatan, pinilit pa rin ni Belarmino na lumaban subalit agad din siyang nawalan ng ulirat dahil sa malubhang sugat na kanyang natamo. Ang naganap na insidente ay nakatawag pansin kay P01 Edgar Ogalesco ng Kalookan-PNP,  nang makita ang mga duguang kabaro, agad siyang rumesponde kasama si P01 Ricardo Cuevas ng Malabon Police na nagresulta sa pagkadakip ng tumakas na salarin. Sa proseso nang pag-aresto, ipinamalas ng taumbayan ang kanilang malasakit sa mga pulis at tumulong sa pagtugis sa tumakas na killer. Dahil sa poot ng taumbayan sa pagkamatay ng dalawang alagad ng batas, kinuyog ng mga ito ang suspek bago naawat ng mga rumespondeng pulis.

Sa presinto, nakilala ang suspek na si Aristotel Calagui Y Bucayu, 44 years old, jobless at residente ng 1301 Naval Street,Barangay San Roque, Navotas City. Nakumpiska sa pag-iingat nito ang service firearm ni Belarmino at ang 45 caliber na kanyang ginamit sa pagpaslang sa dalawang alagad ng batas. Kinilala din ng pulisya  ang nabugbog na kalive-in partner ni Calagui na si Christine Napoles Y Leonor, 24 anyos. Selos ang lumutang na dahilan ng pananakit ni Calagui sa babae na agad na tinulungan ni Belarmino at Mondejar.  Sinampahan ng mga kasong Murder(2 counts), Robbery, Violation of RA 8294(Illegal Possession of Firearms and Ammunitions) at Violation of RA 9262(Violence Against Women and Children) si Calagui na napiit sa Kalookan City Jail.



MGA TUNAY NA ALAGAD NG BATAS

“ Masipag ang dalawang pulis natin at maaasahan, tuwing roll call, present lagi sila, sayang at nalagasan tayo ng mabubuting mga kasama”,  ang malungkot na pahayag ni PSSUPT WILLIAM MACAVINTA, COP ng Kalookan noon. Nagpahayag din ng kalungkutan dahil sa sinapit ni Belarmino si SP03 Samad Baharan na kabatch niya sa Philippine Constabulary. “Sayang si “Aiza” (tawag ng batchmates kay Belarmino). Hindi siya napatay sa mga engkuwentro sa rural areas pero dito lang pala sa lunsod matatapos ang buhay niya. Marami pa naman siyang anak…”,ang himutok ni Baharan.

Si P03 JOEL BELARMINO, 46 anyos, ay may naulilang pitong anak na may mga edad na tatlo hanggang labing-anim na taon. Iniwan naman ni P01 VICTOR MONDEJAR ang kanyang maybahay  at sanggol na halos ay isang buwan pa lang ang edad.      

Ito ang mapanglaw na katotohanan at bahagi na ng buhay ng isang pulis. Buhay ang puhunan natin sa pagtupad sa sinumpaang tungkulin. Sa bawat paglisan natin sa ating tahanan upang pumunta sa destino, hagkan na natin at yapusin ang ating mga mahal sa buhay dahil baka iyon na ang huling pagkakataon na maipadama natin sa kanila ang ating pagmamahal. Ang amin lang hinihingi sa mamamayan ay ang pang-unawa at pagtitiwala. Sa pagtugon sa tawag ng tungkulin, minsan lang magkakamali ang isang pulis at ang pagkakamaling iyon ay mangangahulugan ng kanyang buhay. Laging maging alerto at maingat sa pagpapatupad ng batas. Huwag ding magtitiwala sa sitwasyon at sa sinumang tao na ating sinisita. Tandaan natin na iisa lang ang ating buhay at wala itong katumbas na halaga. Kung tayo man ay masawi, mamamatay sana tayong may dangal at naglilingkod sa sambayanan. Sana’y tahakin natin ang masukal na landas patungo sa Bantayog ng Kagitingan…

No comments:

Post a Comment