Bantayog ng Kagitingan
“ The secret of LIFE isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…”
Ni Bert Fabregas
“ Sa Tungkulin Aming Karangalan …”
“ Sa tungkulin aming karangalan, ihandog ang iisang buhay…”, ito ang makahulugang titik ng PNP Hymn na nakakintal sa puso at diwa ng isang tunay na Pulis. Batbat nang pagpapakasakit, iilan lang ang binibigyan nang pagkakataon na maipamalas ang ganitong sakripisyo para sa isang dakilang layunin… To serve and Protect--- iilan lamang ang tinawag na tahakin ang landas tungo sa Kadakilaan at Kagitingan.
Ito ang daang binagtas ni P01 Luague ng Criminal and Investigation Intelligence Bureau (CIIB) ng Cebu City Police. Namatay siyang nakikipaglaban, napaslang siya habang tumutupad sa kaniyang tungkulin.
Araw ng Lunes noon December 10, 2007, pinarangalan pa si P01 Luague ng PNP ng Medalya ng Kagalingan kasama ang 13 pulis dahil sa pagkadakip sa isang Alyas AVES, diumano’y isang hitman ng Alpha Kappa Rho fraternity na sangkot sa maraming kaso nang pamamaslang. Matapos ang awarding ceremony, agad na nag-duty si Luague at sumama kay SPO2 Delfin Bontuyan sa isang follow-up operation na nakatuon sa kontak ni AVES na si Baclohan, 54 anyos. Armado ng search warrant na ipinalabas ni Judge Geraldine Faith Econ ang dalawang Pulis.
Sa proseso ng operasyon, napasok ng dalawa ang bahay ng subject, subalit may naulinigang boses ng lalaki mula sa isang kuwarto si Bontuyan. Dahil sito, binalaan niya ang nakababatang Pulis na mag-ingat. “ Huwag kang magkumpiyansa tol dahil may tao sa loob,” babala ni Bontuyan. Bigla na lamang namatay ang ilaw sa loob ng silid na sinundan naman ng bugso ng mga putok ng baril. Kahit sugatan, gumanti pa ng putok si PO1 Luague bago tuluyang bumagsak ang kanyang katawan. Nagpaputok pa ng apat na beses si Baclohan na noon ay armado ng 357 revolver bago tuluyang napatay ni SPO2 Bontuyan ang suspek nang mabaril niya ito sa ulo.
Matapos ang insidente, hinalughog ng mga pulis ang bahay ni Baclohan kung saan nakumpiska ang isa pang 357 revolver, 22 cal at isang 38 revolver. Narekober din ng mga Alagad ng Batas ang ilang bladed weapons at isang fatigue uniform. Ayon sa pulisya, ang namatay na suspek ay sangkot sa mga illegal activities at pagpatay sa isang Japanese National sa Mandaue City noong nakaraang taon.
Nalungkot ang mga kasama ni PO1 Luague dahil sa kanyang sinapit. Taong 2006 lamang ng pumasok sa serbisyo ang magiting na Pulis. Ayon sa kanyang mga nakatrabaho, hangad niya lagi na matuto at may dedikasyon siya sa kanyang tungkulin.
Kalungkutan man ang idinulot ng naging kapalaran ni PO1 Noriel Luague dahil sa maaga niyang pagpanaw, nakintal naman sa puso ng kanyang mga nakasalamuha ang halimbawa ng kagitingan ng isang tunay na Alagad ng Batas. Ang sabi nga ng yumaong si PSSUPT ISAIAS R LIM noong siya ay nagsusulat pa dito sa Police Digest, “ Tayong lahat , pulis man at sundalo ay mamamatay, walang makapagsasabi kung kailan at saan? Hindi mahalaga sa akin kung kailan at saan tayo kukunin ng Poong Maykapal, o kung saan mahihimlay ang ating katawang lupa. Ang mahalaga sa akin, ay kung sa paanong paraan namatay ang isang pulis o kawal? Namatay ba siya para sa isang Dakilang mithiin nang may KARANGALAN o yumao siya na walang dignidad at walang dangal?”

No comments:
Post a Comment