Thursday, December 3, 2020

Isang Pulis, Isang Ama ng Tahanan

Bantayog Ng Kagitingan

ni Bert Fabregas

PSSgt Emmanuel Lamigo, Isang Pulis, Isang Ama!

Ang mga alagad ng batas ay tagapangalaga nang kaayusan at kapayapaan ng lipunan, tagapagtanggol ng mamamayan laban sa mga manliligalig, protektor ng mahihina at mga walang lakas sa lipunan. Ang inyong pulisya ang tumutugis sa mga kriminal at mga terorista na naghahasik nang takot at pangamba sa mamamayan. Ang bawat kasapi ng inyong Philippine National Police (PNP) ay nakalaang mag-alay ng sarili upang tuparin ang kanilang sinumpaang tungkulin. 

Bilang isang ama, tayo ang haligi ng tahanan at gumagabay sa ating mga anak. Hangad natin ang kanilang magandang kinabukasan. Sinisikap natin na ibigay sa ating mga anak ang isang ligtas na pamayanan, malaya sa kriminalidad at terorismo. Bilang ama, sinisikap natin na makapiling ang ating pamilya lalo na sa mahalagang araw ng kanilang kaarawan.

Ang pamilya ay itinuturing na pinakamahalagang sangay ng komunidad, ng lipunan. Subalit sa mga kriminal at manliligalig, ito ang kanilang pangunahing target na dapat wasakin.

Kaya napakalungkot isipin kung ang isang ama ay lumisan sa mundo sa mismong araw ng kaarawan ng kanyang minamahal na anak.

December 18, 2019 magpapasko na noon kung kaya masayang-masaya si PSSgt Emmanuel Lamigo, 39 anyos, Desk Officer ng Marihatag Police Station, Surigao Del Sur. Bukod sa magpapasko na ay birthday din ng kanyang anak kaya mula sa istasyon ng pulisya ay masigla siyang umuwi upang makadalo sa pagdiriwang. Mahal na mahal niya ang kanyang pamilya at sila ang inspirasyon niya sa kanyang propesyon. Nang marating niya bandang 6:30 ng gabi ang harapan ng kanilang bahay sa Barangay Poblacion, agad siyang bumaba sa kanyang motorsiklo. Ngunit sa halip na yakap ng anak ang sumalubong sa kanya ay sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa paligid. Nabigla man sa pangyayari, nakabunot pa rin ng kanyang baril si PSSgt  Lamigo upang lumaban subalit tinamaan siya ng punglo sa noo. Lumatag sa lupa ang katawan ng pulis na tinamaan ng mga bala ng cal 45. Umagos ang dugo ng pulis sa harapan mismo ng kaniyang tahanan, kasabay din nito ang pagpatak ng luha ng kanyang pamilya at anak na nagdiriwang ng kaarawan.

Kaagad namang tumakas ang dalawang salarin papunta sa Baybay area sakay ng motorsiklo.

Nagdiwang ang mga kriminal at manliligalig sa matagumpay nilang pagpaslang sa isang pulis, sa isang ama, sa isang kasapi ng komunidad na naghahangad na mamuhay nang payapa at may katiwasayan. Sa kanilang pagbubunyi at pagtangan sa baluktot nilang prinsipyo, ninakawan nila nang ama ang dalawang anak ni PSSgt Lamigo, winasak nila ang magandang pangarap ng isang pamilya.

Sa ating mga kapatid na pulis na nasugatan at nag-alay ng buhay dahil sa pagtatanggol para sa ating kapayapaan at Demokrasya, saludo po kami sa inyong katatagan at dedikasyon sa tungkulin!

Sunday, November 29, 2020

Police Chief Master Sergeant Reil Morgado, Alay sa Altar ng Karahasan!

Ang terorismo ay balakid sa kapayapaan at kaunlaran, naghahasik ito ng takot at pangamba sa mamamayang Pilipino. Layunin ng terorismo na ipulupot sa leeg ng isang demokratikong gobyerno ang kadena nang kalupitan at karahasan upang ito ay maibagsak.

Sa Pilipinas, isa ang New People's Army (NPA) sa mga teroristang grupo. Sila ang armed-wing ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng National Democratic Front (NDF). Ang CPP ang ulo/utak nang pagkilos, ang NPA naman ang armas/espada at ang NDF ang kalasag/baluti ng teroristang grupo. Ang tatlong magkakasabwat na ito ay sumusunod sa bawat kumpas at kapritso ni Jose Maria Sison na pinalaya ng Rehimeng Cory Aquino noon at ngayon ay nagtatampisaw sa maalwang pamumuhay sa Netherlands.
Naging tradisyon na sa NPA na tuwing sasapit ang anibersaryo ng CPP sa buwan ng Disyembre ay pinag-iibayo nila ang kanilang mga gawain nang pamamaslang. Ang kanilang mga biktima ay kadalasang mga uniformed-personnel ng pamahalaan o mga sibilyan na maigting na taga suporta ng mga makabuluhang programa ng gobyerno.
Noong December 13, 2018, bandang alas 8:30 ng gabi, isang buhay ang walang awang inialay ng mga NPA sa Purok 4, Barangay Jagupit , Santiago, Agusan Del Norte sa altar ng kanilang Poon na si Joma. Ang inihandog nila para sa ika-50 anibersaryo ng CPP ay si PCMSgt Reil Morgado, 46 anyos ng Santiago Municipal Police Station. Pinagtangkaan siyang dukutin ng mga teroristang NPA sa kanyang sariling tahanan. Magiting na nanlaban ang pulis kahit may mga tama na siya ng punglo gamit ang kanyang service firearm subalit kalaunan ay naigupo din ng mga katunggali dahil sa mga tama ng bala sa katawan. Ang kanyang dugo ay ibinuhos sa lupain ng Agusan Del Norte na ilang dekada nang saklot ng kalupitan at karahasan ng mga manliligalig.
Ipinagluksa ng mga taga Santiago ang pagpaslang ng mga NPA kay PCMSgt Reil Morgado, isang alagad ng batas, isang Pilipino at kabalikat ng mamamayan para sa kapayapaan at pag-unlad. Bumuhos ang luha sa libing ni Morgado sa Jagupit Public Cemetery. Masakit ang kanyang pagkawala dahil magpapasko nang siya ay mapaslang. Nagsuot nang itim na damit ang mga dumalo sa kanyang libing na nagdala ng mga plakards na nagpapahayag ng mariing pagkondena sa pamamaslang at karahasang inihahasik ng mga teroristang NPA.
Sa bawat patak ng luha mula sa mga nagmamahal at naulila ni PCMSgt Morgado, ngiti at halakhak naman ang nagmula sa mga NPA na ipinagbunyi ang kamatayan ng kanilang kapwa Pilipino. Para sa nga CPP-NPA-NDF na uhaw sa dugo at walang paggalang sa buhay ng kapwa-tao, sisingilin sila ng kasaysayan at ng mamamayan sa utang nilang mga inosenteng buhay.

Pls share to honor his sacrifice for our country!