Wednesday, June 6, 2018

PInsp MARLON F FRILLES at PO1 BINGGO A UTTO -Special Action Force(SAF)

Bantayog ng Kagitingan

“The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause… one lifetime is more than enough…”

Ni Bert  Fabregas

“Kagitingan at Katapangan sa Serbisyo”

            Ang katapatan at kagitingan ay mga katangiang taglay ng isang tunay na Alagad ng Batas. Ang mag-alay ng buhay sa ngalan ng katarungan ang pinakamataas na antas ng sakripisyo na ating maihahandog para sa sambayanang ating pinaglilingkuran. Ito ang makitid at matinik na landas na  tinahak nina PInsp FRILLES at PO1 UTTO ng PNP-Special Action Force (SAF).
           
            1:15 ng madaling araw noon, Agosto 10, 2006, isang team ng SAF na kabilang sa Rapid Deployment Company (RDC) sa Pikit, North Cotabato ang nagsagawa ng operation upang arestuhin ang isang wanted na kriminal na nagtatago sa Barangay Balong. Matapos ang may pitong kilometrong paglalakbay ay huminto ang nabanggit na pangkat malapit sa tinitirhang bahay ng target personality na si Indonesian Jemaah Islamiyah (JI)  terrorist Abdulhir Bin Hir, alyas Marwan.      Ayon sa rekord ng pulisya at militar, si Bin Hir ay kabilang sa tinukoy na 40 JI terrorists na nakapasok sa bansa sa pamamagitan nang pagdaan sa southern backdoor sa rehiyon ng Mindanao.


           Napag-alamang si Alyas Marwan ay kasamahan ng dalawang JI terrorist na sina Dulmatin at Omar Patek na may patong sa ulo na $10 milyon at $1 milyon dahil sa pambobomba sa Bali, Indonesia na pumatay sa 200 katao noong Oktubre 12, 2002. Nang mga panahong iyon ay nagtatago sa bansa ang mga dayuhang terorista kasama ang mga Muslim militants. Matapos makumpirma ang bahay ng subject, naatasan si PInsp FRILLES na siyang mangasiwa sa security ng tropa.

            Matapos ibigay ang signal nang pag-atake, mabilis na kumilos ang mga SAF troopers patungo sa target na tahanan. Gayunpaman, naalerto ang nasa loob ng bahay na hinihinalang asawa ng subject. Naging hysterical ang ginang na naging daan upang maalarma din ang kanilang mga kapitbahay. Sa puntong iyon, sunud-sunod na putok ng baril mula sa mga katabing bahay ang sumalubong sa tropa na napilitan na ring gumanti ng putok.

           Heavy volume of gunfires ang pinakawalan ng mga katunggali ng SAF troopers. Matapos ang may 25 minutong palitan ng putok, napagtanto ng Team Leader na malabo na nilang madakip ang subject dahil sa suporta ng mga armadong kapitbahay nito na nagpakita ng matinding resistance at firepower. Wala ring available na matibay na cover para sa tropa kung kaya napilitan silang mag-disengaged sa labanan at i-adopt ang kanilang withdrawal plan upang maiwasan ang pagka- pinned down ng tropa na magbubunga ng mga casualties.

            Habang patungo sa kanilang rallying point na may 150 metro ang layo mula sa encounter site ay may narinig pa ang mga SAF na palitan ng putok na tumagal nang halos limang minuto. Nang marating nila ang kanilang Objective Rallying Point at nagkaroon ng headcount, nalaman ng tropa na si INSP FRILLES at P01 UTTO ay nawawala. Mistulang tumigil ang paggalaw nang orasan sa mga kasapi ng Team. Naramdaman nila ang malamig na haplos ng hangin sa kanilang katawan at ang marahang pagkaway ng mga dahon ng puno sa kanilang paligid na mistulang kaway nang pamamaalam, halos nauulinigan pa nila ang tinig ng dalawang kasamahan na masayang naghahanda ng kanilang gamit bago ang kanilang Police Operation…mga tinig na hindi na nila muling maririnig kailanman.  Ilang saglit pa, naging malinaw sa kanilang lahat ang kabayanihang ipinamalas ng dalawang troopers na nagsilbing holding force at nag-engaged sa nakararaming bilang ng mga kaaway upang malayang maka-withdraw nang ligtas ang kanilang mga kasama.

            Nang marekober  ang bangkay ng dalawa ay tadtad ng punglo ang kanilang mga katawan at may tama ng bala ang kanilang mga ulo. Naigupo man ang kanilang katawang pisikal, ang diwa ng kagitingan na naikintal nila ay mananatili sa puso’t diwa ng sambayanan. Paalam sa inyong dalawa, mga magiting na kasama…


Wednesday, May 9, 2018

34th Special Action Company (PNP-SAF)

BANTAYOG NG KAGITINGAN

“The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause, one lifetime is more than enough...”

Ni  Bert Fabregas

Ihandog Ang Buhay Para sa Kaligtasan ng Mamamayan


Nag-alay ng kanilang buhay  ang apat na miyembro ng  Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) habang tumutupad sa kanilang tungkulin nang tambangan sila ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Rizal nong Abril 20, 2010, araw ng Martes.


Ayon kay Col. Aurelio Baladad, commander ng 202nd Infantry Brigade ng Philippine Army, tinatahak ng mga biktimang kasapi ng PNP-SAF ang isang ilang na lugar sa Antipolo City nang pasabugan sila at paputukan ng mga armadong lalaki dakong 6:00 ng umaga.

Bukod sa apat na nasawi, lima pa nilang kasamahan ang nasugatan dahil sa pataksil na pag-atake ng NPA. Ang mga nasawi ay kinilalang sina Police Officer 1s Rami Baddungon, Jesus Moral, Johnald Tapitan at Clifford Bacwaden.

Buong tapang naman na nakipaglaban sa mga umatakeng NPA ang limang natirang SAF Troopers sa kabila ng kanilang mga tinamong sugat bunga nang pananambang. Kahit na superyur ang bilang ng mga ambushers, hindi nasiraan ng loob ang mga pulis at nakipagsabayan ng putok sa mga NPA. Dahil sa kagitingang ipinamalas ng mga sugatang troopers ay napilitang umurong ang mga pulahang manliligalig  at tumakas sa hindi natukoy na pook. Sa unti-unting paghupa ng usok ng labanan, natukoy ng rumespondeng tropa ng pamahalaan ang mga sugatang pulis na sina PO1s Lito Babling, Indri Majaluddin, Ronnie Baroga, Alvin Infanta, at PO2 Joey Mangawit. Agad na  dinala ang mga sugatang  pulis sa Camp Crame General Hospital sa Quezon City upang malapatan ng atensyong medikal..


Sa hiwalay na ulat naman ng GMA News Flash Report, sinabi ni Senior Superintendent Ferdinand Yano, provincial police director noon ng Rizal, na may dalawang sibilyan din ang nasugatan sa naganap na pag-atake ng mga kasapi ng New People’s Army.

Bago ang palitan ng putok, nagpasabog muna umano ng itinanim na bomba (Land mines) at mga Granada ang tinatayang 20 hanggang 30 NPA sa tropa ng pulisya na kasapi ng 34th Special Action Company na nakabase sa Brgy San Jose sa Baras, Rizal.

Patungo ang mga SAF-Troopers sa isang area ng Antipolo dahil sa ipinarating na inpormasyon ng mga residente na nakakita umano ng mga armadong kalalakihan sa kanilang barangay, nang tambangan ang kanilang sinasakyang behikulo natapos pasabugan ng landmine.

Hihinala ng mga awtoridad na may kaugnayan sa Eleksyon  ang ginawang pag-atake ng mga NPA. 


“They want to show that they are a force to reckon with during the elections,” ayon pa sa isang opisyal.


 Ayon naman sa Blogsite na Http://www.Gdizon07.blogspot.com., dahil sa walang saysay na  pananambang  ay mariing  kinondena ng mga residente ng Antipolo ang pataksil na pamamaslang ng mga NPA sa mga Alagad ng Batas. Ayon kay Ka Nardo, isang lider ng barangay,” Sana ay tigilan na ng mga NPA ang kanilang paghahasik ng karahasan  sa aming lugar, di pa sila kuntento sa pangingikil sa amin sa pamamagitan ng Permit to Campaign, ekstorsiyon sa mga magsasaka at maliliit na negosyante, pati mga Pulis na nangangalaga sa katahimikan ng aming komunidad ay kanilang pinapatay na parang mga manok!!
  
“Authorities had long condemned the use of land mines as it not only violates provisions under the Geneva Convention of 1949, but it also poses threats to non-combatants or civilians in the area. The use of landmines and booby traps are prohibited under Protocol II of the United Nations Convention on Certain Conventional Weapons, which appears as an annex of the Geneva Convention. Paglabag din ito sa Part III, Art. II, 15 ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRILL) na nagbabawal sa paggamit ng Landmines sa anumang labanan. Malinaw na nilabag ng NPA, na lagi naman talagang ginagawa nila, ang KARAPATANG PANTAO, ganoon din ang paggamit ng mga batang mandirigma ( Child Warriors ).

#UltimateSacrifice




Tuesday, March 20, 2018

PO1 Jean Tacadao -PNP 6th Regional Mobile Group

“ The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…” 

Ni Bert Fabregas

" Kaagapay ang Kababaihan sa pagtatanggol sa Mamamayan! "

Sa tradisyonal na sistema ng lipunang Pilipino, itinuturing ang mga kababaihan bilang mga babasaging kristal, tagapagpalaki ng mga anak at tagapangalaga ng tahanan. Inilarawan sila sa mga literatura bilang mga kimi, mahinhin, palayuko sa dikta ng nakakatanda at karelasyon, tagawalis, tagaluto, tagalaba at tagaplantsa. Ang kanilang haplos ay nagpapaginhawa sa nararamdamang sakit ng isang bata, nagpapatahan sa isang batang nagmamaktol. Ang kanilang tinig ay kaakibat ng marubdob na emosyon ng pagkalinga at pag-aruga sa kapwa na sumasalamin sa tutoong karakter ng kababaihang Pilipina. Para sa nakararaming Pilipino, babae ang ilaw ng tahanan na nagbibigay ng direksyon sa atin sa karimlan ng ating buhay, sila ang ating kanlungan sa mga sigwa at daluyong na ating kinakaharap.

Subalit sa ating kasalukuyang panahon, lumawak na ang nabuksang mga pinto ng oportunidad para sa mga kalahi ni EBA. Napalaya na ang kababaihan sa kinapiitang mga tradisyon, nakahulagpos na sa sinaunang mga balyus at paniniwala na nililok ng mga atrasadong kaisipan. Ang kababaihan ngayon ay humahawak na rin ng sandata upang ipagtanggol ang interes ng mamamayan at ipatupad ang batas nang walang kinikilingan.

Si P01 Jean Tacadao ay isa sa hanay ng mga makabagong kababaihan. Hinangad niyang maging isang Pulis. Bilang isang alagad ng batas, dumaan siya sa mga pagsubok at pagsasanay kagaya ng mga lalaking pulis. Hindi niya inalintana ang hirap nang pagsasanay at panganib, hindi matatawaran ang kanyang dedikasyon at katapatan sa tungkulin. Ang kanyang kagitingan bilang isang policewoman ay matingkad na nakatitik na sa ating Bantayog ng Kagitingan.

Sumasailalim noon sa isang training mission ang tropa ni Jean sakay ng isang patrol vehicle noong Disyembre 3, 2008. Kasama niya sa lakad na iyon ang apat na babaeng pulis. Nang marating nila ang area ng barangay Estado, Victorias City, biglang umalingawngaw sa paligid ang mga nakatutulig na putok ng baril. AMBUSH!! Ito ang malinaw na reyalisasyong tumambad sa mga babaeng pulis. Agad na gumanti ng putok ang tropa ni Jean na noon ay pinapaulanan ng bala ng nakararaming bilang ng mga manliligalig na NPA. MANEUVER!! Ito ang naging pangunahing reaksyon ng mga tinambangang pulis upang makaalpas sa inilatag na Killing Zone ng mga kaaway.

Pagkaraan ng ilang sandali, isang sumisingasing na bala ang tumama sa ulo ni P01 Tacadao na tumapos sa kaniyang magiting na pakikipagbarilan. ”Mama, naigo ko sa ulo!“, ito ang mga huling salitang kaniyang nasambit ayon sa kaniyang mga kasamahan. Sa kabila ng superyur na puwersa ng mga kaaway, nagpamalas nang katapangan ang natirang apat na mga babaeng pulis na kasamahan ni Jean at nagpatuloy sa pakikipaglaban hanggang sa dumating ang reinforcement troops ng ating pamahalaan.

Agad na dinala ng sumaklolong tropa sa pagamutan sa Silay City ang mga kasamahan ni Jean na sina PO1 Melanie Tupas, PO1 Marife Cantomayor, PO1 Jocelyn Tibar, and PO1 Annie Lou Patricio. Narekober naman ang mga basyo ng bala, ammunition clips at mga personal na gamit ng mga NPA sa pinangyarihan ng pananambang.

Dahil sa engkuwentro, kaagad na inatasan ni PDGEN JESUS A VERZOSA, Chief ng Philippine National Police noon, ang ground troops ng PNP na suyurin ang lugar at durugin ang puwersa ng mga NPA na responsable sa ambush.“The gallantry demonstrated by these policewomen while locked in battle with the enemy is in the finest tradition of the police service and should inspire other police personnel to better perform their individual roles in internal security operations.”, ang mariing pahayag ni Versoza.

Samantala, ayon naman kay Police Chief Superintendent Yolanda Tanigue, Hepe ng Women and Children Protection Center (WCPC) noon at ang highest ranked female officer ng PNP ,”The treachery involved in the attack showed the ruthlessness and disregard for human life by the NPA insurgents.This may be among the risks involved in being a police officer, but certainly, this incident will not diminish the spirit of other policewomen who, like their male counterparts, are sworn to serve and protect the communities and the people against criminals and terrorists," pagbibigay diin pa ng babaeng heneral . Umaabot sa 11,000 ang mga kasaping babaeng ng PNP noon na bumubuo sa 9% ng kabuuang bilang ng Pambansang Pulisya.



Sunday, February 25, 2018

“ Inialay Ang Buhay Para Sa Kaligtasan Ng Mamamayan ”

“ The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…” 

Ni Bert Fabregas

Ang mga holdaper ay walang pinipiling oras at pook upang magsagawa ng kabuktutan, maghasik ng takot at biktimahin ang mga inosenteng mamamayan. Kadalasan din na pumapatay ang mga ito ng kanilang biktima matapos na sapilitang makuha ang anumang mahahalagang bagay mula sa kanilang target.  Marami nang pulis ang nagbuwis ng kanilang buhay  upang maipagtanggol ang sambayanang pinaglilingkuran. Sila ang ating mga tunay na BAYANI, sila na hindi nagdalawang-isip na itaya ang kanilang buhay upang mailigtas ang kanilang kapwa, sila na hindi nag-atubili sa tawag ng sinumpaang tungkulin na “ To SERVE and PROTECT, sila na hindi inalintana ang kanilang sarili…

Kulang ang mga salitang maglalarawan sa kadakilaan ng mga Alagad ng Batas na nag-alay ng sarili para sa kanilang kapwa. Bumalong na ang luha ng kanilang mga naulila, natigmak na ng kanilang dugo ang sagisag ng Philippine National Police, nakahimlay na sa puso at diwa ng sambayanan ang kanilang kagitingan. Hayaan ninyong sa hamak na espasyong ito ay muli nating sulyapan ang ilan sa kanila na isinulat sa dugo ang kanilang kabayanihan.


1)     PO2 Oliver Benedicto

Pauwi ng Maynila si PO2 Benedicto noong gabi ng Agosto 8, 2002. Siya ay nakatalaga sa Barangay Dolores, San Fernando City at sumakay sa isang air-conditioned na Alladin Bus. Hindi alam ni Oliver na ang pagsakay niya sa bus na iyon ang magiging sanhi upang maipakita niya ang katapangan ng isang tunay na pulis.

Kasabay pala niya sa bus at nagpanggap na mga pasahero ang tatlong holdaper. Nang magdeklara ng holdap ang mga salarin, hindi inalintana ng pulis ang nakakaraming bilang ng mga kalaban. Ang nasa isip niya’y ang kaligtasan ng mga pasahero ng bus na bibiktimahin ng mga holdaper. Binunot niya sa kanyang holster ang kanyang baril at lumaban sa tatlo subalit sinawimpalad na napuruhan agad siya ng mga katunggali. Hindi pa nagkasya ang mga buhong, pinagsasaksak pa nila si Oliver hanggang tuluyang malagutan ito ng hininga. Bagaman at may nasugatan sa mga pasahero dahil sa naganap na insidente, wala namang napatay sa mga ito. Nailigtas ni PO2 Benedicto ang buhay ng mga inosenteng biktima ng panghuholdap.


2)     SPO1 Norberto Del Rosario

Binabagtas ng ES Transport bus na may plakang TWA-594 na minamaneho ng isang Ruben Castillano ang Sta. Rita Exit sa North Diversion Road ng North Expressway. Payapa ang hapong iyon ng buwan ng Hulyo 2003. Kabilang si SPO1 Del Rosario sa mahigit na 50 pasahero ng bus na umaasam na payapa siyang makakarating sa kanyang paroroonan at makakapiling ang mga mahal niya sa buhay. Nakatalaga siya sa Police Security and Protection Office sa Camp Crame.

Bandang alas tres ng hapon, nagulantang ang mga sakay na pasahero ng Bus nang tumayo ang apat na holdaper at sumigaw ng holdap. Bagaman at nabigla, bumunot ng kanyang baril si Del Rosario subalit naunahan siyang maputukan ng isa sa mga holdaper na nasa dakong likurang bahagi ng bus. Sa kabila ng kanyang tinamong tama sa batok, sinikap pa rin ng pulis na  makalabit ang gatilyo ng kanyang baril ngunit umalingawngaw ang apat pang magkakasunod na putok na tumama sa kanyang katawan at naging sanhi ng agaran niyang kamatayan.

Tumakas ang apat na holdaper sa may SM North EDSA matapos mapatay ang magiting na pulis. Ligtas naman ang mga pasahero ng bus na agad nagtungo sa Kamuning Station ng Central Police District upang ipaalam ang insidente.  Sa gitna ng takot na idinulot sa kanila ng malagim na pangyayari, may kurot na iniwan sa puso ng bawat isa ang impit na pasasalamat sa napatay na Alagad ng Batas. Isang mapait na ngiti ang tangi nilang maipapabaon kay SPOI Del Rosario, na lumaban para sa kanila at walang pag-aalinlangang ipinagtanggol sila laban sa mga kriminal… hanggang sa huling patak ng kanyang dugo.


3)  PO3 Orlando_Balasta 

Isang taxi Driver ng KEN-KEN taxi ang hinoldap ng dalawang tao bandang alas 2:30 ng madaling araw, buwan ng Enero 2006 sa panulukan ng Road-10 at Capulong Sts, Tondo. Halos pagsukluban ng mundo ang kawawang tsuper sapagkat nilimas ng mga buhong ang kanyang kinita sa magdamag na pamamasada. Sa gitna ng kawalang pag-asa ng drayber, isang pulis ang agad na sumaklolo sa kanya at hinabol, sakay ng scooter, ang tumakas na mga holdaper. Nasukol ni PO3 Balasta ang dalawang kriminal subalit sa halip na sumuko ay nagpaputok pa ang mga ito. Nakipagsabayan na rin ng putok si Balasta. Sa sumunod na bugso ng sumisingasing na mga punglo ay tinamaan sa ulo ang rumespondeng pulis. Agad na tumakas ang dalawa subalit   nasakote rin  sila ng mga elemento ng Manila Police District. Malubha ang tinamong tama ng magiting na pulis.

Namatay habang ginagamot sa Mary Johnston Hospital si PO3 Orlando Balasta. Ayon sa mga doktor ng pagamutan, matapang itong  nakipaglaban sa kamatayan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.

Sa burol ni PO3 Balasta, nakitang malungkot na nakatunghay sa kanyang kabaong ang taxi Driver na kanyang tinulungan. Saan man mapunta ang tsuper na iyon sa kanyang paghahanap-buhay, kipkip niya lagi sa kanyang alaala ang kagitingan ng isang pulis na nag-alay ng buhay para maglingkod at magbigay proteksyon sa mga kagaya niyang naging biktima ng kasamaan. 



Monday, February 5, 2018

SP01 Liberato Cesar, Jr---Para sa Pamilya at Sambayanan

KAPAYAPAAN ANG IPAGLABAN, HINDI KARAHASAN!!!

Humihiyaw nang katarungan ang mga kaanak at kaibigan ni SPO1 Liberato Cesar Jr.,  bunga nang maka-hayop na pagpaslang sa kanya ng mga Teroristang New People’s Army (NPA). Ito ang mariing pahayag ni  Louie Balbago ng grupong INANG BAYAN. Ang nabanggit na Non-Government Organization (NGO) ay pangunahing tagapagtaguyod ng mga pagkilos upang wakasan na ang karahasan at lagim na inihahasik ng NPA sa ating bansa.

Si SPO1 Cesar na isang ulirang ama at alagad ng batas ay nasabat sa isang checkpoint ng mga NPA sa Barangay Sabloyon, Caramoran, Catanduanes habang sakay ng isang motorsiklo noong Agosto 7, 2006. Sinundo siya ng kaibigang si Jomel De Quiros mula sa bayan ng Viga upang maghanap ng tulong medikal para sa kanyang anak na maysakit. Dahil sa hangaring mabigyan ng lunas ang anak, hindi na inalintana ng pulis ang kanyang personal na kaligtasan upang makahanap ng gamot.

Ayon kay PO3 Rogelio Manlangit, imbestigador ng kaso," Hindi na nagkaroon nang pagkakataong umiwas o manlaban si SPO1 Cesar. Pinaligiran agad sila (Cesar at De Quiros) at iginapos na parang mga baboy. Mistulang nagdiwang pa ang mga NPA nang mapag-alamang isang Pulis ang kanilang nalambat. Matapos tangayin ang dalawa, naglakad pa sila ng ilang oras kung saan pinalaya din si De Quiros ng mga komunista. Naging malagim naman ang kapalaran ni SPO1 Cesar na dumanas pa ng ibayong paghihirap at parusa bago pinaslang ng mga NPA."

Ang resulta ng Post Mortem examination sa bangkay ng pulis ay nagpapatunay ng labis na pagpapahirap sa biktima. "Ang kanyang mga paa at bahagi ng katawan ay pinitpit at binugbog sa hambalos, ang kanyang mga kuko sa daliri ay isa-isang binunot. Nagtamo rin si SPO1 Cesar ng mga palo sa ulo at mga saksak sa dibdib," ito ang malungkot na salaysay ni PInsp TUGAY, hepe ng bayan ng Viga.

Inako ng mga NPA ang maka-HAYOP na pagpaslang kay SPO1 Cesar, isang Pulis at Ulirang Ama ng Tahanan. Ayon sa Black Porpaganda ng NPA, pinarusahan umano nila ito dahil abusado at may kasalanan sa kanilang kilusan. "Ito ay isang malaking kasinungalingan! Sa aming paglubog doon sa komunidad ay nakumpirma namin na mismong mga residente sa area ang nagpapatunay na isang magalang at mahusay na pulis ang pinaslang ng mga komunistang NPA", paglilinaw pa ni Balbago ng Inang Bayan Movement.

Walang tigil naman sa pag-iyak si Gng Nelia Cesar, maybahay ng biktimang pulis. " Napakabait niyang asawa at tagapagtaguyod ng aming pamilya. Paano na ang pito naming anak, paano na ang kanilang kinabukasan? Sana naman masugpo na ang paghahasik ng karahasan ng mga NPA. Talamak din dito sa amin ang extortion activities nila, Pati mangingisda, magsasaka at maliliit na negosyante ay hinihingan nila ng revolutionary tax!", himutok ng biyuda.
  
Nakakadurog din ng puso ang ipinaabot pang inpormasyon ng Ginang. Ang bunso nilang anak ay magdadalawang taon pa lamang nang paslangin ng NPA ang ama nitong pulis. Ang bunso ang siyang laging sumasalubong sa kanyang ama sa pintuan ng kanilang bahay tuwing ito ay umuuwi mula  sa kanyang duty sa presinto; siya rin ang nag-aabot ng tsinelas sa kanyang tatay pagdating nito. Ang pamamanglaw ng mga naulila ay lalong sumisidhi dahil  tuwing dapithapon ay lagi pa ring nag-aabang sa may pintuan ang bunso, umaasang mayakap ang ama at makalaro. Sa kawalang malay ng kanyang kamusmusan ay laging may katanungang nakakintal sa isipan, "Inay, bakit wala pa rin po si itay?"



SP01 Cesar




Tuesday, January 16, 2018

SPO2 Danilo Zuniga (RIZAL PPO, PRO-4A)

“ Sa Tungkulin Ating Karangalan, Ihandog Ang Iisang Buhay...”

ni Bert Fabregas


          Ang isang Alagad ng Batas ay laging handa sa pagtupad ng kanyang sinumpaang tungkulin na maglingkod at ipagtanggol ang mamamayan, sa anumang sandali at saan mang pook. Wala siyang oras na aaksayahin upang tumugon sa tawag ng tungkulin. Hindi rin siya mangingiming ibuwis ang kanyang buhay upang bigyan ng proteksyon ang sambayanan at ipatupad ang batas nang walang kinikilingan o pinapanigan.

            December 31, 2009, umaga, nag-iisip na nang   bibilhing handa para sa pagsalubong sa Bagong Taon si SP02 Zuniga. Iniisip na niya ang mga bibilhin para sa simpleng salusalo nila ng kanyang pamilya. Tiyak na matutuwa ang kanyang mga mahal sa buhay mamayang hatinggabi, Masaya nilang sasalubungin ang 2010 nang magkasama at buo ang kaniyang mag-anak. Isang pulis na may dedikasyon sa tungkulin, nakatuon sa kanyang  trabaho ang kanyang atensyon kung kaya laging naaagaw ng kanyang pagiging isang Pulis ang kanyang oras na dapat ay iniuukol niya sa kanyang mga mahal sa buhay. Pasensya na, ha? Babawi na lang ako sa susunod.., ito ang kanyang linya kapag may nagtatampong mahal niya sa buhay dahil sa kawalan niya ng panahon na dumalo sa mga mahahalagang okasyon ng kanyang pamilya.

            Normal ang umagang iyon para kay Zuniga, bagaman at sa mga nakaraang araw ay naging mainit ang usapin at tunggaliang pulitikal sa bayan ng Rodriguez, Rizal---sa pangkalahatan ay mukhang mapayapang lilipas ang maghapon para sa lahat. Banayad ang haplos ng hangin sa kanyang mukha, saglit siyang napapikit na waring ninanamnam ang kapayapaan ng kalooban na  hatid ng umagang iyon.  Nasa ganoon siyang kalagayan nang marinig niya ang sunud-sunod na putok ng baril mula sa dako ng palengke.

            Hindi siya nag-aksaya ng panahon, agad siyang humangos sa pinagmumulan ng mga putok at doon ay inabutan niya ang isang lalaking suspek na bumaril kay Retired Police Senior Inspector Ricardo Amata. Armado ang gunman na si Bhong Meldo kung kaya bumunot ng kanyang service firearm si SPO2 Zuniga at nakapagpalitan ng putok sa suspek. Tinamaan niya si Meldo subalit hindi niya napansin ang apat na lalaking nagsisilbing back-up team ng salarin. Biglang nakaramdam ng maiinit sa kanyang likod ang magiting na pulis na kasabay ng mga putok ng baril, waring namanhid ang kanyang katawan at mistulang nauupos siyang kandila na nanghina. Unti-unti siyang bumagsak habang malayang umaagos sa kanyang katawan ang masaganang dugo, pinilit niyang pumihit upang harapin ang mga bumaril sa kanya subalit hindi na niya kaya.

            Sa paglatag ng katawan ni SP02 Zuniga sa lupa ay mahigpit pa rin ang paghawak niya sa kanyang baril, hangad pa rin niyang lumaban ngunit sumusuko na ang pisikal  niyang katawan. Pusikit na karimlan na ang kanyang nakikita habang naririnig pa rin niya ang sigawan ng mga tao sa kanyang paligid.  KAWAWA NAMAN ANG PULIS! TULUNGAN NATIN ANG MAMANG PULIS!!
           
Maraming kamay ang naramdaman ni Zuniga na humawak sa kanya na ang hangarin ay malapatan siya ng tulong na medikal. Naramdaman ng pulis ang pagdamay at pagkalinga ng mamamayang kanyang pinaglingkuran. Ang nanlalabo niyang diwa ay unti-unting pumailanlang at nakita niya ang imahe ng kanyang mga mahal sa buhay na naghihintay sa kanyang pag-uwi. Si Bunso na inihahanda na ang kanyang tsinelas upang ibigay sa kanyang pagdating, si Nene na nasasabik na sa kanyang mga yakap..,hindi na naman niya matutupad ang kanyang pangako na buo ang kanilang pamilya sa pagsalubong sa Bagong Taon.

PASENSYA NA MGA MAHAL... DI KO NA NAMAN NATUPAD ANG AKING PANGAKO...marahang naibulong niya matapos na  sumilay ang mapait na ngiti sa kanyang mga labi. Sa paghigit ng kanyang huling hininga, narinig niya mula sa kawalan ang isang pamilyar na awitin,” batas ay ipatutupad, pantay-pantay para sa lahat, walang mayaman o mahirap, ang dulot sa bayan ay galak. PNP, mamamayan magtulungan, kaayusan katatagan ating kamtan...sa tungkulin ating karangalan...ihandog ang iisang buhay!”. Palakas nang palakas ang awit na kanyang naririnig hanggang maramdaman niyang unti-unting gumagaan ang kanyang katawan, para siyang idinuduyan sa kawalan sa saliw ng oyaying nagpapabigat sa talukap ng kanyang mga mata. Matulog ka na kasama, magpahinga ka na...

            Bilang pagkilala ng PNP sa kagitingang ipinamalas ni SP02 Danilo Zuniga, inaprubahan ni PDGEN JESUS A VERZOSA, Chief ng Philippine National Police (PNP) noon ang kanyang posthumous promotion sa ranggong SP03.

            “SP02 Zuniga deserves the posthumous promotion for offering the supreme sacrifice in the line of duty thru his acts of heroism and gallantry in action above and beyond the call of duty,” ang pahayag ni PDGEN VERZOSA. Ginawaran din ng Medalya ng Kadakilaan si SP02 Zuniga dahil sa ipinamalas niyang kagitingan bilang isang tunay na Alagad ng Batas na naglilingkod sa interes ng mamamayan.