Sunday, February 25, 2018

“ Inialay Ang Buhay Para Sa Kaligtasan Ng Mamamayan ”

“ The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…” 

Ni Bert Fabregas

Ang mga holdaper ay walang pinipiling oras at pook upang magsagawa ng kabuktutan, maghasik ng takot at biktimahin ang mga inosenteng mamamayan. Kadalasan din na pumapatay ang mga ito ng kanilang biktima matapos na sapilitang makuha ang anumang mahahalagang bagay mula sa kanilang target.  Marami nang pulis ang nagbuwis ng kanilang buhay  upang maipagtanggol ang sambayanang pinaglilingkuran. Sila ang ating mga tunay na BAYANI, sila na hindi nagdalawang-isip na itaya ang kanilang buhay upang mailigtas ang kanilang kapwa, sila na hindi nag-atubili sa tawag ng sinumpaang tungkulin na “ To SERVE and PROTECT, sila na hindi inalintana ang kanilang sarili…

Kulang ang mga salitang maglalarawan sa kadakilaan ng mga Alagad ng Batas na nag-alay ng sarili para sa kanilang kapwa. Bumalong na ang luha ng kanilang mga naulila, natigmak na ng kanilang dugo ang sagisag ng Philippine National Police, nakahimlay na sa puso at diwa ng sambayanan ang kanilang kagitingan. Hayaan ninyong sa hamak na espasyong ito ay muli nating sulyapan ang ilan sa kanila na isinulat sa dugo ang kanilang kabayanihan.


1)     PO2 Oliver Benedicto

Pauwi ng Maynila si PO2 Benedicto noong gabi ng Agosto 8, 2002. Siya ay nakatalaga sa Barangay Dolores, San Fernando City at sumakay sa isang air-conditioned na Alladin Bus. Hindi alam ni Oliver na ang pagsakay niya sa bus na iyon ang magiging sanhi upang maipakita niya ang katapangan ng isang tunay na pulis.

Kasabay pala niya sa bus at nagpanggap na mga pasahero ang tatlong holdaper. Nang magdeklara ng holdap ang mga salarin, hindi inalintana ng pulis ang nakakaraming bilang ng mga kalaban. Ang nasa isip niya’y ang kaligtasan ng mga pasahero ng bus na bibiktimahin ng mga holdaper. Binunot niya sa kanyang holster ang kanyang baril at lumaban sa tatlo subalit sinawimpalad na napuruhan agad siya ng mga katunggali. Hindi pa nagkasya ang mga buhong, pinagsasaksak pa nila si Oliver hanggang tuluyang malagutan ito ng hininga. Bagaman at may nasugatan sa mga pasahero dahil sa naganap na insidente, wala namang napatay sa mga ito. Nailigtas ni PO2 Benedicto ang buhay ng mga inosenteng biktima ng panghuholdap.


2)     SPO1 Norberto Del Rosario

Binabagtas ng ES Transport bus na may plakang TWA-594 na minamaneho ng isang Ruben Castillano ang Sta. Rita Exit sa North Diversion Road ng North Expressway. Payapa ang hapong iyon ng buwan ng Hulyo 2003. Kabilang si SPO1 Del Rosario sa mahigit na 50 pasahero ng bus na umaasam na payapa siyang makakarating sa kanyang paroroonan at makakapiling ang mga mahal niya sa buhay. Nakatalaga siya sa Police Security and Protection Office sa Camp Crame.

Bandang alas tres ng hapon, nagulantang ang mga sakay na pasahero ng Bus nang tumayo ang apat na holdaper at sumigaw ng holdap. Bagaman at nabigla, bumunot ng kanyang baril si Del Rosario subalit naunahan siyang maputukan ng isa sa mga holdaper na nasa dakong likurang bahagi ng bus. Sa kabila ng kanyang tinamong tama sa batok, sinikap pa rin ng pulis na  makalabit ang gatilyo ng kanyang baril ngunit umalingawngaw ang apat pang magkakasunod na putok na tumama sa kanyang katawan at naging sanhi ng agaran niyang kamatayan.

Tumakas ang apat na holdaper sa may SM North EDSA matapos mapatay ang magiting na pulis. Ligtas naman ang mga pasahero ng bus na agad nagtungo sa Kamuning Station ng Central Police District upang ipaalam ang insidente.  Sa gitna ng takot na idinulot sa kanila ng malagim na pangyayari, may kurot na iniwan sa puso ng bawat isa ang impit na pasasalamat sa napatay na Alagad ng Batas. Isang mapait na ngiti ang tangi nilang maipapabaon kay SPOI Del Rosario, na lumaban para sa kanila at walang pag-aalinlangang ipinagtanggol sila laban sa mga kriminal… hanggang sa huling patak ng kanyang dugo.


3)  PO3 Orlando_Balasta 

Isang taxi Driver ng KEN-KEN taxi ang hinoldap ng dalawang tao bandang alas 2:30 ng madaling araw, buwan ng Enero 2006 sa panulukan ng Road-10 at Capulong Sts, Tondo. Halos pagsukluban ng mundo ang kawawang tsuper sapagkat nilimas ng mga buhong ang kanyang kinita sa magdamag na pamamasada. Sa gitna ng kawalang pag-asa ng drayber, isang pulis ang agad na sumaklolo sa kanya at hinabol, sakay ng scooter, ang tumakas na mga holdaper. Nasukol ni PO3 Balasta ang dalawang kriminal subalit sa halip na sumuko ay nagpaputok pa ang mga ito. Nakipagsabayan na rin ng putok si Balasta. Sa sumunod na bugso ng sumisingasing na mga punglo ay tinamaan sa ulo ang rumespondeng pulis. Agad na tumakas ang dalawa subalit   nasakote rin  sila ng mga elemento ng Manila Police District. Malubha ang tinamong tama ng magiting na pulis.

Namatay habang ginagamot sa Mary Johnston Hospital si PO3 Orlando Balasta. Ayon sa mga doktor ng pagamutan, matapang itong  nakipaglaban sa kamatayan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.

Sa burol ni PO3 Balasta, nakitang malungkot na nakatunghay sa kanyang kabaong ang taxi Driver na kanyang tinulungan. Saan man mapunta ang tsuper na iyon sa kanyang paghahanap-buhay, kipkip niya lagi sa kanyang alaala ang kagitingan ng isang pulis na nag-alay ng buhay para maglingkod at magbigay proteksyon sa mga kagaya niyang naging biktima ng kasamaan. 



Monday, February 5, 2018

SP01 Liberato Cesar, Jr---Para sa Pamilya at Sambayanan

KAPAYAPAAN ANG IPAGLABAN, HINDI KARAHASAN!!!

Humihiyaw nang katarungan ang mga kaanak at kaibigan ni SPO1 Liberato Cesar Jr.,  bunga nang maka-hayop na pagpaslang sa kanya ng mga Teroristang New People’s Army (NPA). Ito ang mariing pahayag ni  Louie Balbago ng grupong INANG BAYAN. Ang nabanggit na Non-Government Organization (NGO) ay pangunahing tagapagtaguyod ng mga pagkilos upang wakasan na ang karahasan at lagim na inihahasik ng NPA sa ating bansa.

Si SPO1 Cesar na isang ulirang ama at alagad ng batas ay nasabat sa isang checkpoint ng mga NPA sa Barangay Sabloyon, Caramoran, Catanduanes habang sakay ng isang motorsiklo noong Agosto 7, 2006. Sinundo siya ng kaibigang si Jomel De Quiros mula sa bayan ng Viga upang maghanap ng tulong medikal para sa kanyang anak na maysakit. Dahil sa hangaring mabigyan ng lunas ang anak, hindi na inalintana ng pulis ang kanyang personal na kaligtasan upang makahanap ng gamot.

Ayon kay PO3 Rogelio Manlangit, imbestigador ng kaso," Hindi na nagkaroon nang pagkakataong umiwas o manlaban si SPO1 Cesar. Pinaligiran agad sila (Cesar at De Quiros) at iginapos na parang mga baboy. Mistulang nagdiwang pa ang mga NPA nang mapag-alamang isang Pulis ang kanilang nalambat. Matapos tangayin ang dalawa, naglakad pa sila ng ilang oras kung saan pinalaya din si De Quiros ng mga komunista. Naging malagim naman ang kapalaran ni SPO1 Cesar na dumanas pa ng ibayong paghihirap at parusa bago pinaslang ng mga NPA."

Ang resulta ng Post Mortem examination sa bangkay ng pulis ay nagpapatunay ng labis na pagpapahirap sa biktima. "Ang kanyang mga paa at bahagi ng katawan ay pinitpit at binugbog sa hambalos, ang kanyang mga kuko sa daliri ay isa-isang binunot. Nagtamo rin si SPO1 Cesar ng mga palo sa ulo at mga saksak sa dibdib," ito ang malungkot na salaysay ni PInsp TUGAY, hepe ng bayan ng Viga.

Inako ng mga NPA ang maka-HAYOP na pagpaslang kay SPO1 Cesar, isang Pulis at Ulirang Ama ng Tahanan. Ayon sa Black Porpaganda ng NPA, pinarusahan umano nila ito dahil abusado at may kasalanan sa kanilang kilusan. "Ito ay isang malaking kasinungalingan! Sa aming paglubog doon sa komunidad ay nakumpirma namin na mismong mga residente sa area ang nagpapatunay na isang magalang at mahusay na pulis ang pinaslang ng mga komunistang NPA", paglilinaw pa ni Balbago ng Inang Bayan Movement.

Walang tigil naman sa pag-iyak si Gng Nelia Cesar, maybahay ng biktimang pulis. " Napakabait niyang asawa at tagapagtaguyod ng aming pamilya. Paano na ang pito naming anak, paano na ang kanilang kinabukasan? Sana naman masugpo na ang paghahasik ng karahasan ng mga NPA. Talamak din dito sa amin ang extortion activities nila, Pati mangingisda, magsasaka at maliliit na negosyante ay hinihingan nila ng revolutionary tax!", himutok ng biyuda.
  
Nakakadurog din ng puso ang ipinaabot pang inpormasyon ng Ginang. Ang bunso nilang anak ay magdadalawang taon pa lamang nang paslangin ng NPA ang ama nitong pulis. Ang bunso ang siyang laging sumasalubong sa kanyang ama sa pintuan ng kanilang bahay tuwing ito ay umuuwi mula  sa kanyang duty sa presinto; siya rin ang nag-aabot ng tsinelas sa kanyang tatay pagdating nito. Ang pamamanglaw ng mga naulila ay lalong sumisidhi dahil  tuwing dapithapon ay lagi pa ring nag-aabang sa may pintuan ang bunso, umaasang mayakap ang ama at makalaro. Sa kawalang malay ng kanyang kamusmusan ay laging may katanungang nakakintal sa isipan, "Inay, bakit wala pa rin po si itay?"



SP01 Cesar