Tuesday, January 16, 2018

SPO2 Danilo Zuniga (RIZAL PPO, PRO-4A)

“ Sa Tungkulin Ating Karangalan, Ihandog Ang Iisang Buhay...”

ni Bert Fabregas


          Ang isang Alagad ng Batas ay laging handa sa pagtupad ng kanyang sinumpaang tungkulin na maglingkod at ipagtanggol ang mamamayan, sa anumang sandali at saan mang pook. Wala siyang oras na aaksayahin upang tumugon sa tawag ng tungkulin. Hindi rin siya mangingiming ibuwis ang kanyang buhay upang bigyan ng proteksyon ang sambayanan at ipatupad ang batas nang walang kinikilingan o pinapanigan.

            December 31, 2009, umaga, nag-iisip na nang   bibilhing handa para sa pagsalubong sa Bagong Taon si SP02 Zuniga. Iniisip na niya ang mga bibilhin para sa simpleng salusalo nila ng kanyang pamilya. Tiyak na matutuwa ang kanyang mga mahal sa buhay mamayang hatinggabi, Masaya nilang sasalubungin ang 2010 nang magkasama at buo ang kaniyang mag-anak. Isang pulis na may dedikasyon sa tungkulin, nakatuon sa kanyang  trabaho ang kanyang atensyon kung kaya laging naaagaw ng kanyang pagiging isang Pulis ang kanyang oras na dapat ay iniuukol niya sa kanyang mga mahal sa buhay. Pasensya na, ha? Babawi na lang ako sa susunod.., ito ang kanyang linya kapag may nagtatampong mahal niya sa buhay dahil sa kawalan niya ng panahon na dumalo sa mga mahahalagang okasyon ng kanyang pamilya.

            Normal ang umagang iyon para kay Zuniga, bagaman at sa mga nakaraang araw ay naging mainit ang usapin at tunggaliang pulitikal sa bayan ng Rodriguez, Rizal---sa pangkalahatan ay mukhang mapayapang lilipas ang maghapon para sa lahat. Banayad ang haplos ng hangin sa kanyang mukha, saglit siyang napapikit na waring ninanamnam ang kapayapaan ng kalooban na  hatid ng umagang iyon.  Nasa ganoon siyang kalagayan nang marinig niya ang sunud-sunod na putok ng baril mula sa dako ng palengke.

            Hindi siya nag-aksaya ng panahon, agad siyang humangos sa pinagmumulan ng mga putok at doon ay inabutan niya ang isang lalaking suspek na bumaril kay Retired Police Senior Inspector Ricardo Amata. Armado ang gunman na si Bhong Meldo kung kaya bumunot ng kanyang service firearm si SPO2 Zuniga at nakapagpalitan ng putok sa suspek. Tinamaan niya si Meldo subalit hindi niya napansin ang apat na lalaking nagsisilbing back-up team ng salarin. Biglang nakaramdam ng maiinit sa kanyang likod ang magiting na pulis na kasabay ng mga putok ng baril, waring namanhid ang kanyang katawan at mistulang nauupos siyang kandila na nanghina. Unti-unti siyang bumagsak habang malayang umaagos sa kanyang katawan ang masaganang dugo, pinilit niyang pumihit upang harapin ang mga bumaril sa kanya subalit hindi na niya kaya.

            Sa paglatag ng katawan ni SP02 Zuniga sa lupa ay mahigpit pa rin ang paghawak niya sa kanyang baril, hangad pa rin niyang lumaban ngunit sumusuko na ang pisikal  niyang katawan. Pusikit na karimlan na ang kanyang nakikita habang naririnig pa rin niya ang sigawan ng mga tao sa kanyang paligid.  KAWAWA NAMAN ANG PULIS! TULUNGAN NATIN ANG MAMANG PULIS!!
           
Maraming kamay ang naramdaman ni Zuniga na humawak sa kanya na ang hangarin ay malapatan siya ng tulong na medikal. Naramdaman ng pulis ang pagdamay at pagkalinga ng mamamayang kanyang pinaglingkuran. Ang nanlalabo niyang diwa ay unti-unting pumailanlang at nakita niya ang imahe ng kanyang mga mahal sa buhay na naghihintay sa kanyang pag-uwi. Si Bunso na inihahanda na ang kanyang tsinelas upang ibigay sa kanyang pagdating, si Nene na nasasabik na sa kanyang mga yakap..,hindi na naman niya matutupad ang kanyang pangako na buo ang kanilang pamilya sa pagsalubong sa Bagong Taon.

PASENSYA NA MGA MAHAL... DI KO NA NAMAN NATUPAD ANG AKING PANGAKO...marahang naibulong niya matapos na  sumilay ang mapait na ngiti sa kanyang mga labi. Sa paghigit ng kanyang huling hininga, narinig niya mula sa kawalan ang isang pamilyar na awitin,” batas ay ipatutupad, pantay-pantay para sa lahat, walang mayaman o mahirap, ang dulot sa bayan ay galak. PNP, mamamayan magtulungan, kaayusan katatagan ating kamtan...sa tungkulin ating karangalan...ihandog ang iisang buhay!”. Palakas nang palakas ang awit na kanyang naririnig hanggang maramdaman niyang unti-unting gumagaan ang kanyang katawan, para siyang idinuduyan sa kawalan sa saliw ng oyaying nagpapabigat sa talukap ng kanyang mga mata. Matulog ka na kasama, magpahinga ka na...

            Bilang pagkilala ng PNP sa kagitingang ipinamalas ni SP02 Danilo Zuniga, inaprubahan ni PDGEN JESUS A VERZOSA, Chief ng Philippine National Police (PNP) noon ang kanyang posthumous promotion sa ranggong SP03.

            “SP02 Zuniga deserves the posthumous promotion for offering the supreme sacrifice in the line of duty thru his acts of heroism and gallantry in action above and beyond the call of duty,” ang pahayag ni PDGEN VERZOSA. Ginawaran din ng Medalya ng Kadakilaan si SP02 Zuniga dahil sa ipinamalas niyang kagitingan bilang isang tunay na Alagad ng Batas na naglilingkod sa interes ng mamamayan.