“ Sa
Tungkulin Ating Karangalan, Ihandog Ang Iisang Buhay...”
ni Bert Fabregas
ni Bert Fabregas
Ang isang Alagad ng
Batas ay laging handa sa pagtupad ng kanyang sinumpaang tungkulin na maglingkod
at ipagtanggol ang mamamayan, sa anumang sandali at saan mang pook. Wala siyang
oras na aaksayahin upang tumugon sa tawag ng tungkulin. Hindi rin siya
mangingiming ibuwis ang kanyang buhay upang bigyan ng proteksyon ang sambayanan
at ipatupad ang batas nang walang kinikilingan o pinapanigan.
December 31, 2009, umaga, nag-iisip
na nang bibilhing handa para sa
pagsalubong sa Bagong Taon si SP02 Zuniga. Iniisip na niya ang mga bibilhin
para sa simpleng salusalo nila ng kanyang pamilya. Tiyak na matutuwa ang kanyang
mga mahal sa buhay mamayang hatinggabi, Masaya nilang sasalubungin ang 2010
nang magkasama at buo ang kaniyang mag-anak. Isang pulis na may dedikasyon sa
tungkulin, nakatuon sa kanyang trabaho
ang kanyang atensyon kung kaya laging naaagaw ng kanyang pagiging isang Pulis
ang kanyang oras na dapat ay iniuukol niya sa kanyang mga mahal sa buhay. Pasensya
na, ha? Babawi na lang ako sa susunod.., ito ang kanyang linya kapag
may nagtatampong mahal niya sa buhay dahil sa kawalan niya ng panahon na dumalo
sa mga mahahalagang okasyon ng kanyang pamilya.
Normal ang umagang iyon para kay
Zuniga, bagaman at sa mga nakaraang araw ay naging mainit ang usapin at
tunggaliang pulitikal sa bayan ng Rodriguez, Rizal---sa pangkalahatan ay
mukhang mapayapang lilipas ang maghapon para sa lahat. Banayad ang haplos ng
hangin sa kanyang mukha, saglit siyang napapikit na waring ninanamnam ang
kapayapaan ng kalooban na hatid ng
umagang iyon. Nasa ganoon siyang
kalagayan nang marinig niya ang sunud-sunod na putok ng baril mula sa dako ng
palengke.
Hindi siya nag-aksaya ng panahon,
agad siyang humangos sa pinagmumulan ng mga putok at doon ay inabutan niya ang
isang lalaking suspek na bumaril kay Retired Police Senior Inspector Ricardo
Amata. Armado ang gunman na si Bhong Meldo kung kaya bumunot ng kanyang service
firearm si SPO2 Zuniga at nakapagpalitan ng putok sa suspek. Tinamaan niya si
Meldo subalit hindi niya napansin ang apat na lalaking nagsisilbing back-up
team ng salarin. Biglang nakaramdam ng maiinit sa kanyang likod ang magiting na
pulis na kasabay ng mga putok ng baril, waring namanhid ang kanyang katawan at
mistulang nauupos siyang kandila na nanghina. Unti-unti siyang bumagsak habang
malayang umaagos sa kanyang katawan ang masaganang dugo, pinilit niyang pumihit
upang harapin ang mga bumaril sa kanya subalit hindi na niya kaya.
Sa paglatag ng katawan ni SP02
Zuniga sa lupa ay mahigpit pa rin ang paghawak niya sa kanyang baril, hangad pa
rin niyang lumaban ngunit sumusuko na ang pisikal niyang katawan. Pusikit na karimlan na ang
kanyang nakikita habang naririnig pa rin niya ang sigawan ng mga tao sa kanyang
paligid. KAWAWA NAMAN ANG PULIS! TULUNGAN NATIN ANG MAMANG PULIS!!
Maraming kamay
ang naramdaman ni Zuniga na humawak sa kanya na ang hangarin ay malapatan siya
ng tulong na medikal. Naramdaman ng pulis ang pagdamay at pagkalinga ng
mamamayang kanyang pinaglingkuran. Ang nanlalabo niyang diwa ay unti-unting
pumailanlang at nakita niya ang imahe ng kanyang mga mahal sa buhay na
naghihintay sa kanyang pag-uwi. Si Bunso na inihahanda na ang kanyang tsinelas
upang ibigay sa kanyang pagdating, si Nene na nasasabik na sa kanyang mga
yakap..,hindi na naman niya matutupad ang kanyang pangako na buo ang kanilang
pamilya sa pagsalubong sa Bagong Taon.
PASENSYA NA MGA MAHAL... DI KO NA NAMAN
NATUPAD ANG AKING PANGAKO...marahang naibulong niya matapos na sumilay ang mapait na ngiti sa kanyang mga
labi. Sa paghigit ng kanyang huling hininga, narinig niya mula sa kawalan ang
isang pamilyar na awitin,” batas ay ipatutupad, pantay-pantay para sa
lahat, walang mayaman o mahirap, ang dulot sa bayan ay galak. PNP, mamamayan
magtulungan, kaayusan katatagan ating kamtan...sa tungkulin ating
karangalan...ihandog ang iisang buhay!”. Palakas nang palakas ang awit
na kanyang naririnig hanggang maramdaman niyang unti-unting gumagaan ang
kanyang katawan, para siyang idinuduyan sa kawalan sa saliw ng oyaying
nagpapabigat sa talukap ng kanyang mga mata. Matulog ka na kasama, magpahinga
ka na...
Bilang pagkilala ng PNP sa
kagitingang ipinamalas ni SP02 Danilo Zuniga, inaprubahan ni PDGEN JESUS A
VERZOSA, Chief ng Philippine National Police (PNP) noon ang kanyang posthumous
promotion sa ranggong SP03.
“SP02 Zuniga deserves the posthumous
promotion for offering the supreme sacrifice in the line of duty thru his acts
of heroism and gallantry in action above and beyond the call of duty,” ang
pahayag ni PDGEN VERZOSA. Ginawaran din ng Medalya ng Kadakilaan si SP02 Zuniga
dahil sa ipinamalas niyang kagitingan bilang isang tunay na Alagad ng Batas na
naglilingkod sa interes ng mamamayan.

No comments:
Post a Comment