“ The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…”
Ni Bert Fabregas
Ang mga holdaper ay walang
pinipiling oras at pook upang magsagawa ng kabuktutan, maghasik ng takot at
biktimahin ang mga inosenteng mamamayan. Kadalasan din na pumapatay ang mga ito
ng kanilang biktima matapos na sapilitang makuha ang anumang mahahalagang bagay
mula sa kanilang target. Marami nang pulis ang nagbuwis ng kanilang
buhay upang maipagtanggol ang sambayanang pinaglilingkuran. Sila ang
ating mga tunay na BAYANI, sila na hindi nagdalawang-isip na itaya ang kanilang
buhay upang mailigtas ang kanilang kapwa, sila na hindi nag-atubili sa tawag ng
sinumpaang tungkulin na “ To SERVE and PROTECT, sila na hindi inalintana ang
kanilang sarili…
Kulang ang mga salitang
maglalarawan sa kadakilaan ng mga Alagad ng Batas na nag-alay ng sarili para sa
kanilang kapwa. Bumalong na ang luha ng kanilang mga naulila, natigmak na ng
kanilang dugo ang sagisag ng Philippine National Police, nakahimlay na sa puso
at diwa ng sambayanan ang kanilang kagitingan. Hayaan ninyong sa hamak na
espasyong ito ay muli nating sulyapan ang ilan sa kanila na isinulat sa dugo
ang kanilang kabayanihan.
1) PO2
Oliver Benedicto
Pauwi ng Maynila si PO2
Benedicto noong gabi ng Agosto 8, 2002. Siya ay nakatalaga sa Barangay Dolores,
San Fernando City at sumakay sa isang
air-conditioned na Alladin Bus. Hindi alam ni Oliver na ang pagsakay niya sa
bus na iyon ang magiging sanhi upang maipakita niya ang katapangan ng isang
tunay na pulis.
Kasabay pala niya sa bus at
nagpanggap na mga pasahero ang tatlong holdaper. Nang magdeklara ng holdap ang
mga salarin, hindi inalintana ng pulis ang nakakaraming bilang ng mga kalaban.
Ang nasa isip niya’y ang kaligtasan ng mga pasahero ng bus na bibiktimahin ng
mga holdaper. Binunot niya sa kanyang holster ang kanyang baril at lumaban sa
tatlo subalit sinawimpalad na napuruhan agad siya ng mga katunggali. Hindi pa
nagkasya ang mga buhong, pinagsasaksak pa nila si Oliver hanggang tuluyang
malagutan ito ng hininga. Bagaman at may nasugatan sa mga pasahero dahil sa
naganap na insidente, wala namang napatay sa mga ito. Nailigtas ni PO2
Benedicto ang buhay ng mga inosenteng biktima ng panghuholdap.
2) SPO1
Norberto Del Rosario
Binabagtas ng ES Transport
bus na may plakang TWA-594 na minamaneho ng isang Ruben Castillano ang Sta.
Rita Exit sa North Diversion Road ng North Expressway. Payapa ang hapong iyon
ng buwan ng Hulyo 2003. Kabilang si SPO1 Del Rosario sa mahigit na 50 pasahero
ng bus na umaasam na payapa siyang makakarating sa kanyang paroroonan at
makakapiling ang mga mahal niya sa buhay. Nakatalaga siya sa Police Security
and Protection Office sa Camp Crame.
Bandang alas tres ng hapon,
nagulantang ang mga sakay na pasahero ng Bus nang tumayo ang apat na holdaper
at sumigaw ng holdap. Bagaman at nabigla, bumunot ng kanyang baril si Del
Rosario subalit naunahan siyang maputukan ng isa sa mga holdaper na nasa dakong
likurang bahagi ng bus. Sa kabila ng kanyang tinamong tama sa batok, sinikap pa
rin ng pulis na makalabit ang gatilyo ng kanyang baril ngunit
umalingawngaw ang apat pang magkakasunod na putok na tumama sa kanyang katawan
at naging sanhi ng agaran niyang kamatayan.
Tumakas ang apat na
holdaper sa may SM North EDSA matapos mapatay ang magiting na pulis. Ligtas
naman ang mga pasahero ng bus na agad nagtungo sa Kamuning Station ng Central
Police District upang ipaalam ang insidente. Sa gitna ng takot na
idinulot sa kanila ng malagim na pangyayari, may kurot na iniwan sa puso ng
bawat isa ang impit na pasasalamat sa napatay na Alagad ng Batas. Isang mapait
na ngiti ang tangi nilang maipapabaon kay SPOI Del Rosario, na lumaban para sa
kanila at walang pag-aalinlangang ipinagtanggol sila laban sa mga kriminal…
hanggang sa huling patak ng kanyang dugo.
3) PO3 Orlando_Balasta
Isang taxi Driver ng
KEN-KEN taxi ang hinoldap ng dalawang tao bandang alas 2:30 ng madaling araw, buwan ng
Enero 2006 sa panulukan ng Road-10 at Capulong Sts, Tondo. Halos pagsukluban ng
mundo ang kawawang tsuper sapagkat nilimas ng mga buhong ang kanyang kinita sa
magdamag na pamamasada. Sa gitna ng kawalang pag-asa ng drayber, isang pulis
ang agad na sumaklolo sa kanya at hinabol, sakay ng scooter, ang tumakas na mga
holdaper. Nasukol ni PO3 Balasta ang dalawang kriminal subalit sa halip na
sumuko ay nagpaputok pa ang mga ito. Nakipagsabayan na rin ng putok si Balasta.
Sa sumunod na bugso ng sumisingasing na mga punglo ay tinamaan sa ulo ang
rumespondeng pulis. Agad na tumakas ang dalawa subalit nasakote
rin sila ng mga elemento ng Manila Police District. Malubha ang tinamong
tama ng magiting na pulis.
Namatay habang ginagamot sa
Mary Johnston Hospital si PO3 Orlando Balasta. Ayon sa mga doktor ng pagamutan,
matapang itong nakipaglaban sa kamatayan hanggang sa huling sandali ng
kanyang buhay.
Sa burol ni PO3 Balasta,
nakitang malungkot na nakatunghay sa kanyang kabaong ang taxi Driver na kanyang
tinulungan. Saan man mapunta ang tsuper na iyon sa kanyang paghahanap-buhay,
kipkip niya lagi sa kanyang alaala ang kagitingan ng isang pulis na nag-alay ng
buhay para maglingkod at magbigay proteksyon sa mga kagaya niyang naging
biktima ng kasamaan.

No comments:
Post a Comment