“ The secret of life isn’t just to live but to have something worthwhile to live for. We only live once, but if we live a just and righteous life to fight for a noble cause…one lifetime is more than enough…”
Ni Bert Fabregas
" Kaagapay ang Kababaihan sa pagtatanggol sa Mamamayan! "
Sa tradisyonal na sistema ng lipunang Pilipino, itinuturing ang mga kababaihan bilang mga babasaging kristal, tagapagpalaki ng mga anak at tagapangalaga ng tahanan. Inilarawan sila sa mga literatura bilang mga kimi, mahinhin, palayuko sa dikta ng nakakatanda at karelasyon, tagawalis, tagaluto, tagalaba at tagaplantsa. Ang kanilang haplos ay nagpapaginhawa sa nararamdamang sakit ng isang bata, nagpapatahan sa isang batang nagmamaktol. Ang kanilang tinig ay kaakibat ng marubdob na emosyon ng pagkalinga at pag-aruga sa kapwa na sumasalamin sa tutoong karakter ng kababaihang Pilipina. Para sa nakararaming Pilipino, babae ang ilaw ng tahanan na nagbibigay ng direksyon sa atin sa karimlan ng ating buhay, sila ang ating kanlungan sa mga sigwa at daluyong na ating kinakaharap.
Subalit sa ating kasalukuyang panahon, lumawak na ang nabuksang mga pinto ng oportunidad para sa mga kalahi ni EBA. Napalaya na ang kababaihan sa kinapiitang mga tradisyon, nakahulagpos na sa sinaunang mga balyus at paniniwala na nililok ng mga atrasadong kaisipan. Ang kababaihan ngayon ay humahawak na rin ng sandata upang ipagtanggol ang interes ng mamamayan at ipatupad ang batas nang walang kinikilingan.
Si P01 Jean Tacadao ay isa sa hanay ng mga makabagong kababaihan. Hinangad niyang maging isang Pulis. Bilang isang alagad ng batas, dumaan siya sa mga pagsubok at pagsasanay kagaya ng mga lalaking pulis. Hindi niya inalintana ang hirap nang pagsasanay at panganib, hindi matatawaran ang kanyang dedikasyon at katapatan sa tungkulin. Ang kanyang kagitingan bilang isang policewoman ay matingkad na nakatitik na sa ating Bantayog ng Kagitingan.
Sumasailalim noon sa isang training mission ang tropa ni Jean sakay ng isang patrol vehicle noong Disyembre 3, 2008. Kasama niya sa lakad na iyon ang apat na babaeng pulis. Nang marating nila ang area ng barangay Estado, Victorias City, biglang umalingawngaw sa paligid ang mga nakatutulig na putok ng baril. AMBUSH!! Ito ang malinaw na reyalisasyong tumambad sa mga babaeng pulis. Agad na gumanti ng putok ang tropa ni Jean na noon ay pinapaulanan ng bala ng nakararaming bilang ng mga manliligalig na NPA. MANEUVER!! Ito ang naging pangunahing reaksyon ng mga tinambangang pulis upang makaalpas sa inilatag na Killing Zone ng mga kaaway.
Pagkaraan ng ilang sandali, isang sumisingasing na bala ang tumama sa ulo ni P01 Tacadao na tumapos sa kaniyang magiting na pakikipagbarilan. ”Mama, naigo ko sa ulo!“, ito ang mga huling salitang kaniyang nasambit ayon sa kaniyang mga kasamahan. Sa kabila ng superyur na puwersa ng mga kaaway, nagpamalas nang katapangan ang natirang apat na mga babaeng pulis na kasamahan ni Jean at nagpatuloy sa pakikipaglaban hanggang sa dumating ang reinforcement troops ng ating pamahalaan.
Agad na dinala ng sumaklolong tropa sa pagamutan sa Silay City ang mga kasamahan ni Jean na sina PO1 Melanie Tupas, PO1 Marife Cantomayor, PO1 Jocelyn Tibar, and PO1 Annie Lou Patricio. Narekober naman ang mga basyo ng bala, ammunition clips at mga personal na gamit ng mga NPA sa pinangyarihan ng pananambang.
Dahil sa engkuwentro, kaagad na inatasan ni PDGEN JESUS A VERZOSA, Chief ng Philippine National Police noon, ang ground troops ng PNP na suyurin ang lugar at durugin ang puwersa ng mga NPA na responsable sa ambush.“The gallantry demonstrated by these policewomen while locked in battle with the enemy is in the finest tradition of the police service and should inspire other police personnel to better perform their individual roles in internal security operations.”, ang mariing pahayag ni Versoza.
Samantala, ayon naman kay Police Chief Superintendent Yolanda Tanigue, Hepe ng Women and Children Protection Center (WCPC) noon at ang highest ranked female officer ng PNP ,”The treachery involved in the attack showed the ruthlessness and disregard for human life by the NPA insurgents.This may be among the risks involved in being a police officer, but certainly, this incident will not diminish the spirit of other policewomen who, like their male counterparts, are sworn to serve and protect the communities and the people against criminals and terrorists," pagbibigay diin pa ng babaeng heneral . Umaabot sa 11,000 ang mga kasaping babaeng ng PNP noon na bumubuo sa 9% ng kabuuang bilang ng Pambansang Pulisya.

Long live PNP Kalasag Class 2006 (Region 6)! We always remember you Classmate Tacadao.
ReplyDeleteThis comment has been removed by a blog administrator.
ReplyDelete