Sunday, November 29, 2020

Police Chief Master Sergeant Reil Morgado, Alay sa Altar ng Karahasan!

Ang terorismo ay balakid sa kapayapaan at kaunlaran, naghahasik ito ng takot at pangamba sa mamamayang Pilipino. Layunin ng terorismo na ipulupot sa leeg ng isang demokratikong gobyerno ang kadena nang kalupitan at karahasan upang ito ay maibagsak.

Sa Pilipinas, isa ang New People's Army (NPA) sa mga teroristang grupo. Sila ang armed-wing ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng National Democratic Front (NDF). Ang CPP ang ulo/utak nang pagkilos, ang NPA naman ang armas/espada at ang NDF ang kalasag/baluti ng teroristang grupo. Ang tatlong magkakasabwat na ito ay sumusunod sa bawat kumpas at kapritso ni Jose Maria Sison na pinalaya ng Rehimeng Cory Aquino noon at ngayon ay nagtatampisaw sa maalwang pamumuhay sa Netherlands.
Naging tradisyon na sa NPA na tuwing sasapit ang anibersaryo ng CPP sa buwan ng Disyembre ay pinag-iibayo nila ang kanilang mga gawain nang pamamaslang. Ang kanilang mga biktima ay kadalasang mga uniformed-personnel ng pamahalaan o mga sibilyan na maigting na taga suporta ng mga makabuluhang programa ng gobyerno.
Noong December 13, 2018, bandang alas 8:30 ng gabi, isang buhay ang walang awang inialay ng mga NPA sa Purok 4, Barangay Jagupit , Santiago, Agusan Del Norte sa altar ng kanilang Poon na si Joma. Ang inihandog nila para sa ika-50 anibersaryo ng CPP ay si PCMSgt Reil Morgado, 46 anyos ng Santiago Municipal Police Station. Pinagtangkaan siyang dukutin ng mga teroristang NPA sa kanyang sariling tahanan. Magiting na nanlaban ang pulis kahit may mga tama na siya ng punglo gamit ang kanyang service firearm subalit kalaunan ay naigupo din ng mga katunggali dahil sa mga tama ng bala sa katawan. Ang kanyang dugo ay ibinuhos sa lupain ng Agusan Del Norte na ilang dekada nang saklot ng kalupitan at karahasan ng mga manliligalig.
Ipinagluksa ng mga taga Santiago ang pagpaslang ng mga NPA kay PCMSgt Reil Morgado, isang alagad ng batas, isang Pilipino at kabalikat ng mamamayan para sa kapayapaan at pag-unlad. Bumuhos ang luha sa libing ni Morgado sa Jagupit Public Cemetery. Masakit ang kanyang pagkawala dahil magpapasko nang siya ay mapaslang. Nagsuot nang itim na damit ang mga dumalo sa kanyang libing na nagdala ng mga plakards na nagpapahayag ng mariing pagkondena sa pamamaslang at karahasang inihahasik ng mga teroristang NPA.
Sa bawat patak ng luha mula sa mga nagmamahal at naulila ni PCMSgt Morgado, ngiti at halakhak naman ang nagmula sa mga NPA na ipinagbunyi ang kamatayan ng kanilang kapwa Pilipino. Para sa nga CPP-NPA-NDF na uhaw sa dugo at walang paggalang sa buhay ng kapwa-tao, sisingilin sila ng kasaysayan at ng mamamayan sa utang nilang mga inosenteng buhay.

Pls share to honor his sacrifice for our country!

No comments:

Post a Comment